Nasawi ang isang pulis na 24 oras nag-duty sa State of the Nation Address matapos magulungan ng 10-wheeler truck sa C-3 Road sa Caloocan madaling araw ng Martes.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, makikita sa CCTV ang pagdaan ng isang 10-wheeler truck bandang alas-2 ng madaling araw.
Ilang saglit pa, isang motorcycle rider na ang makikitang nakatumba sa kalsada matapos magulungan ng truck.
Dinala ang rider sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Isinalaysay ng isang saksi na nakasabay na niya ang rider sa 5th Avenue pa lamang.
“Napansin ko na nagpapaling-paling na. Ang sa unahan namin may trailer. Pagdating doon sa trailer gusto niya um-overtake. Pagpaling niyang ganoon, pumalo siya roon sa driver’s side. Pagpalo niya sa driver’s side, kumaskas na siya roon. Pagkaskas, doon na siya natumba sa may gitna at doon na siya kinain ng dalawang gulong,” sabi ng saksi.
Kinumpirma ng mga kaanak na isang pulis ang 33-anyos na nasawing rider.
Ayon sa kanila, pauwi na siya sa kaniyang bahay sa Caloocan matapos ang duty sa SONA nang maganap ang aksidente.
“Galing po siya sa SONA, kasi naka-duty siya 24 hours. Siguro ‘yung pagewang-gewang na iyon sobrang antok na niya. Ikaw ba naman mag-duty ng ganoong oras tapos naka-motor ka. Halos mag-4 years lang siyang naging pulis eh. Siyempre napakasakit naman po,” sabi ng tiyahin ng nasawing pulis.
Nasa kustodiya ng Caloocan Police ang 37-anyos sa truck driver, na nagmula ng Pampanga at magde-deliver sana ng mga kargang hollow blocks sa Malabon.
“Nagulat na lang po ako nu’ng biglang bumangga sa truck. Ngayon pagtingin ko, nakahandusay na ‘yung tao. Humihingi po ako pasensiya sa kaniya kasi hindi naman po namin kagustuhan ‘yung ganu’n,” sabi ng truck driver.
Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. —Jamil Santos/VBL GMA News
