Nahuli-cam ang pagnanakaw ng tatlong lalaki sa isang bahay sa Dagupan, Pangasinan.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat ng Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera ang pagdaan ng isa sa mga lalaki, sa maliit na bintana ng banyo. Pagkaraan nito, pinapasok naman niya ang dalawang kasabwat sa bintana ng isang kuwarto.

Pagkapasok, doon na hinalughog ng mga kawatan ang mga gamit sa bahay sa Barangay Bonuan Boquig.

Makaraan ang ilang minuto, lumabas nila sa likod ng bahay na dala-dala ang mga ninakaw na gamit.

Sinabi ng caretaker ng bahay na nasa ibang bansa ang kaniyang mga amo.

Natangay ng mga kawatan ang mga alahas at alak, at patuloy na inaalam ang kabuuang halaga ng mga ito.

Sinabi ng pulisya na may lead na sila sa isa sa mga suspek sa pagpapatuloy ng imbestigasyon. – Jamil Santos/FRJ GMA News