Kinumpirma ng Palasyo na pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na magpapatupad ng smoking ban sa buong bansa.
Ginawa nina Presidential spokesperson Ernesto Abella at Health Secretary Paulyn Ubial ang pagkumpirma sa GMA News Online nitong Huwebes.
Ayon kay Ubial, pinirmahan ni Duterte ang EO nitong Martes, May 16.
Ang Executive Order No. 26 ay may titulong, “Providing for the Establishment of Smoke-free Environments in Public and Enclosed Places.”
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing bawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at mga lugar na ginagamit ng maraming tao.
Ilan sa mga halimbawa nito ay mga paaralan, lugar ng trabaho at pasilidad ng gobyerno, mga kainan, mga tinutuluyan ng tao tulad ng hotel, mga pinupuntahan ng publiko gaya ng mall, mga pasyalan at ospital, at iba pa.
Bawal ding manigarilyo sa mga sasakyang ginagamit ng publiko.
Maaaring maglagay ng mga smoking areas pero dapat lagpas ng 10 metro sa mga daanan o tambayan ng mga tao.
Dapat ding maglagay ng malinaw na signage o karatula na may babala sa masamang epekto ng paninigarilyo at nagsasaad na bawal sa lugar ang mga menor de edad.
Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbibigay ng sigarilyo sa mga menor de edad, maging pagbili ng sigarilyo sa mga ito.
Ang parusa sa mga lalabag sa naturang kautusan ay kapareho sa itinakda ng Tobacco Regulation Act of 2003.
Nakasaad dito ang multang P500 hanggang P10,000 depende sa kung ilang ulit ginawa ang paglabag.
Sa mga nagnenegosyo, maaari silang alisan ng business license sa ikatlong paglabag.
Ipatutupad umano ang executive order sa Hulyo, o dalawang buwan matapos ilathala sa mga diyaryo ang naturang kautusan.
Matatandaan na may ipinatutupad ding smoking ban sa Davao City na dating pinamunuan ni Duterte bilang alkalde noon ng lungsod. -- FRJ, GMA News
