Isang send-off ang ginawa para sa 48 na mga kasapi ng “Voyage of the Balangay” expedition team noong Mayo 26, 2017 sa isang restaurant sa Roxas Boulevard Manila.

Ang despedida ay pinangunahan ng Mama Sita Foundation, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at ng Project Saysay. Tutungo ang mga manlalayag sa Hong Kong, hindi gamit ang mga modernong mga sasakyang pandagat, kung hindi sakay ng mga bangkang ginaya mula sa aktuwal na mga balanghay ng ating mga ninuno.

 

Ang Voyage of the Balangay Expedition Team kasama ang NHCP at ang Project Saysay. Mula sa Facebook ni Fung Yu

 

Sa okasyong iyon, iniabot nina NHCP Acting Executive Director Ludovico Badoy, NHCP Research Heraldry and Publications Division Chief Alvin R. Alcid, at Project Saysay Executive Director Ian Alfonso kay Art Valdez, expedition leader at presidente ng Kaya ng Pinoy Foundation, ang mga “Baon ng mga Balangay,” na isasakay sa balanghay na tutungo ng Hong Kong sa linggong ito.

Inipon ng Project Saysay ang ilan sa mga babauning kagamitan na may kinalaman sa ating kultura at kasaysayan. Kabilang dito ang ilang kopya ng cookbook at mga rekado, mga poster at mga bookmark na nagtataglay ng mga kasabihan ng mga bayani mula sa Project Saysay, at mga aklat pangkasaysayan at busto ng unang Kalihim ng Ugnayang Panlabas Apolinario Mabini, na nagmula sa NHCP na ibibigay sa Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong.

Ang ekspedisyon ay naglalayong ipagdiwang ang ika-600 taon ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng Sultanato ng Sulu at ng Tsina. Noong 1417, bumisita si Sultan Paduka Batara sa Emperador ng Tsina at tinanggap ng huli ang kaakibat na mga parangal na ibinibigay sa isang pinuno ng estado (Sa kasamaang palad, ang Sultan ay namatay din sa Tsina sa parehong paglalakbay na iyon).

Kaya naman umalis sa Maibung, Sulu noong Mayo 9, 2017, ang dalawang bagong replika ng mga bangka ng ating mga ninuno, ang"Sultan sin Sulu" at ang "Lahi ng Maharlika." Kasama nila ang mas naunang replika ng balanghay, ang "Sama Tawi-tawi" na nakasama na sa mas naunang paglalakbay ng Voyage of the Balangay noong 2009. Dumaan na sila sa Zamboanga at Bacolod bago dumaong sa Philippine Coast Guard Headquarters sa Maynila simula noong May 25, 2017.

Patungo na sila sa Poro Point, San Fernando, La Union at mula doon ay maglalayag na patungo sa Hong Kong sa loob ng linggong ito. Ang kanilang misyon: mabisita ang libingan ni Sultan Paduka Batara sa Tsina.

Ang mga ilog at dagat bilang daluyan ng kultura

Sabi ng ating mga mas naunang mga guro, ang bansang Pilipinas ay rehiyunalista at watak-watak dahil tayo ay isang arkipelago. Hindi sila masisisi sapagkat napakahirap nga namang pagsamahin ang isang bayang multi-cultural, multi-ethnic, at multi-lingual na may 71 iba’t ibang mga wika at kultura. Subalit ngayon, may bagong pananaw ang mga historyador: Bago dumating ang kolonyalismo ng mga Espanyol, mas nagkakaisa tayo sa ating kultura.

Kung ngayon, ang internet na ang ating network sa pakikipagkalakalan, pakikipagkaibigan at pagkuha ng impormasyon, noon, ang "internet" natin na nagbubuklod sa ating mga ninuno ay ang mga katubigan—ang mga ilog at ang mga dagat. Imbes na kalsada, ang bawat pamayanan at bayan sa kapuluan ay laging malapit sa dalampasigan ng mga dagat at ilog. Kaya ang nag-ugnay sa atin ay ang ating maritime culture o kultura sa paglalayag—ang husay natin sa paggawa at pagpapatakbo ng mga bangka.

Namana natin ang ating sinaunang kabihasnan at galing sa paglalayag sa ating mga ninunong tinatawag ng mga eksperto na “Austronesians.” Sa kanila nanggaling ang ating mga wika, at ayon kay Dr. Peter Bellwood, isang ekspertong arkeyologo, ang mga ninuno nating ito ang nag-imbento ng bangkang may katig na naging dahilan para ang ating mga ninuno ay malagyan ng tao ang Timog Silangang Asya, ang Polynesia, New Zealand, Hawaii hanggang Easter Island sa Timog Amerika at Madagascar hanggang sa Africa.

 

Ang Balangay Sultan Sin Sulu. Mula sa Facebook ni Fung Yu

 

Pangunahing ebidensiya ng kulturang ito ay isang labi ng balanghay na nahukay noong 1976 sa Butuan. Ito ay nagmula pa sa taong 320 A.D. Walo pang bangka ang mahuhukay sa lugar. At makikita na hindi man lamang ginamitan ng pako at pawang mga “wooden pegs” lamang ang nag-ugnay sa mga bangka.

Ito ang patunay na sopistikado na ang teknolohiya ng ating mga ninuno at hindi sila mga mangmang.

Ayon nga sa aklat na "Lost Discoveries: The Ancient Roots of Modern Science—From The Babylonians To The Maya," naging mahalaga sa paglalayag ng mga Europeo noong Age of Discovery ang sinaunang kaalaman sa paggawa ng bangka at paglalayag ng mga Indian, Filipino, Javanese, at mga Arabe.

Kabilang din sa ating kulturang maritima ang kakayahan na basahin ang mga bituin bago pa man ituro sa atin ang konstelasyon ng mga Europeo. Ayon sa etno-astronomer na si Dr. Dante Ambrosio, “Kapag tumingala sa langit ang mga sinaunang Pilipino, hindi lamang basta langit ang kanilang nakikita. Nakikita nila ang sarili nilang kabihasnan dito.” Ipinangalan ng ating mga ninuno sa kanilang mga kagamitan ang mga bituin. Halimbawa  ang “Balatik” (panghuli ng baboy damo) ay para sa “Orion’s Belt,” at “Bubu” (panghuli ng isda) ay para sa “Big Dipper.”

Ang kulturang maritima na ito ay makikita rin sa ating sinaunang pananampalataya. Ipinapakita ng libingang Bangang Manunggul na ang ating mga ninuno ay naniniwala na sasakay ang ating kaluluwa sa bangka patungo sa kabilang buhay. Sa mga pag-aaral ni Dr. Bernadette Abrera, makikita na ang bangka na may mukha sa banga ay nagpapakita rin na anumang galing sa kahoy at kalikasan ay iginagalang ng ating mga ninuno at itinuturing na may kaluluwa.

 

Detalye ng Bangang Manunggul. Xiao Chua

 

Katulad din ng paniniwalang ito ang makikita sa mga disenyo ng panandang panlibingan na sunduk sa Sulu na hugis ng isang taong nakasakay sa bangka, sa paglalagay ng mga bangkay sa mga kabaong na hugis bangka na ginagawa ng mga taga-Sagada sa Cordillera, at sa mga panandang panlibingan na mga bato na hugis bangka ng mga taga-Batanes. Kaya malaki ang paggalang ng ating mga ninuno sa kalikasan bilang tahanan ng kanilang mga ninuno at hindi nila ito sinisira.

Dahil sa ating sopistikadong kulturang maritima, iginalang tayo ng ating mga kapitbahay at nakipagkalakal sila sa atin. Ayon kay Dr. Zeus A. Salazar, naging bahagi ang Vigan, Lingayen, Maynila, Sugbu, Butuan, Sulu, at iba pang mga bayan sa rutang pangkalakalan patungong Tsina.

Ayon sa mga historyador, tunay na nagwatak-watak sa atin ay ang ating mga kolonisador, na hindi lamang tayo pinag-away-away (divide and rule) kung hindi ipinakilala rin nila ang mga gulong at ang mga kalsada na naglayo sa ating husay sa karagatan.

Noong 2009, upang patunayan ang galing ng ating mga ninuno, nagpagawa si Philippine Mt. Everest Expedition Team leader Arturo Valdez ng mga katulad na uri ng mga balanghay na natagpuan sa Butuan. Tumagal ng 17 buwan paglalayag nila sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, Mindanao, at iba pang bahagi ng Timog Silangang Asya, na gamit lamang ang hangin at paggabay ng mga bituin. Sa kabila ng maraming mga bagyo at pagdududa na sila ay mga pirate, matagumpay nilang natapos ang paglalakbay noong Disyembre 13, 2010 at ang kanilang pangunahing bangka, ang Diwata ng Lahi, ay nakalagak ngayon sa Pambansang Museo ng Pilipinas. (Susunod: Ang mga baon ng mga Balangay). —FRJ/KG, GMA News

 

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”