Paboritong puntahan ng mga mahihilig sa gimik ang Tomas Morato Avenue sa Quezon City dahil sa dami ng kainan at tambayan. Pero kilala ba ninyo kung sino ang tao sa likod ng pangalan ng kalyeng ito?

Si Tomas Morato, o Tomas Eduardo Bernabeu Morato, ay ang pinakaunang alkalde ng Quezon City na nagsilbi noong 1939 hanggang 1942.

Isinilang siya sa Spain at nakarating sa Pilipinas nang dalhin sa bansa ng kanyang ama na isang kapitan.

Sa Pilipinas, nakapagtapos siya ng engineering at pumasok sa lumber business, hanggang sa napagkalooban ng Filipino Citizenship dahil sa Treaty of Paris.

Ang kaibigan na si dating Pangulong Manuel L. Quezon, ang naghikayat kay Morato na pasukin ang mundo ng pulitika.

Sa pamamagitan ng Republic Act No. 4749 noong June 1966, ipinangalan kay Morato ang naturang kalye sa Quezon City na ang dating pangalan ay Sampaloc Avenue. -- FRJ, GMA News