Sa tatlong uri ang Hepatitis, o impeksyon sa atay na A,B, at C, ang Hepa-A umano ang karaniwang tumatama sa tao. Ang virus nito ay maaari daw makuha sa kontaminadong pagkain o inumin tulad ng mga nakikita sa kalye. Paglilinaw naman ng "Pinoy MD," hindi lahat ng tindang street foods ay posibleng pagmulan ng virus.
Sa talakayang pangkalusugan ng programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Raul "Dr. Q." Quillamor ang tungkol sa Hepa-A, na isang uri ng impeksyon na nakukuha sa pagkain.
"Ang common sa atin dito lalo na 'pag summer o tag-ulan, 'pag na-expose ang mga pagkain sa mga street food, Hepatitis A 'yon. Ito ay impeksyon in the sense na makukuha mo siya sa pagkain," ayon sa duktor.
Nilinaw ng host ng programa na si Connie Sison, na hindi lahat ng tindang street foods ay posibleng pagmulan ng virus ng Hepa-A.
"Sa Pilipinas pa naman marami sa atin ang mga nagbebenta [ng street foods]. Hindi naman natin nilalahat, I'm sure mayroon din naman talagang malinis at napapangalagaan, pero marami rin siyempre ang may mga sablay pagdating dun sa preparation," ani Connie.
Si Sharmaine na aminadong mahilig sa street foods, nagkaroon daw ng Hepa-A noong 2005 at pinaniniwalaan niyang nakuha niya ang sakit dahil sa pagkain niya ng street food.
Kuwento niya, napansin ng kaniyang mga kaklase ang kaniyang "paninilaw" at nagkaroon siya ng lagnat. Nang magpasuri, doon niya nadiskubre ang kaniyang sakit.
Tumagal umano ng isang buwan ang kaniyang gamutan.
Ipinaliwanag ni Dr. Ian Homer Cua , na maging sa loob ng bahay ay maaaring magmula ang virus ng Hepa-A kung hindi maayos ang paghahanda sa pagkain.
"Kung ang nag-prepare ng pagkain ay may Hepatitis-A, pagkatapos nun eh walang masyadong personal hygiene, tapos hindi naglinis ng hands pag-prepare, so pwede yung mapunta, ma-contaminate yung pagkain," ani Cua.
Bukod sa paninilaw [ng balat at mata] at pabalik-balik na lagnat, may iba pang palatandaan ng Hepa-A. Gaya ng pananakit ng tiyan, walang ganang kumain, panghihina, may pakiramdam na nasusuka, at pagdudumi.
Maliban sa pangangailangan na mapalakas ang immune system sa katawan at maging maingat sa kinakain, ipinaliwanag sa "Pinoy MD" kung ano ang mga paraan upang malabanan at makaiwas Hepa-A. Alamin sa video na ito:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
