Mula Enero ngayong taon, halos 60 na ang naitalang kaso ng Japanese encephalitis sa bansa at siyam sa kanila ang namatay. Ang naturang sakit, dulot ng virus na nanggagaling sa kagat ng lamok. Ano nga ba ang Japanese Encephalitis at paano ito maiiwasan?
Sa GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkules, ipinaliwanag ni Dr. Froilan R. Obillo, Medical Specialist IV, na ang Japanese Encephalitis virus ay isang uri ng infection sa utak na dala ng kagat ng isang uri ng lamok na tinatawag na "Culex" mosquito.
Sinabi ni Obillo na iba raw ang Culex mosquito sa lamok na carrier ng dengue. Bukod sa ordinaryo lang ang itsura nito, ito rin ay night biting, o umaatake sa gabi na mula 7pm hanggang 3am.
Samantalang ang mga lamok na Aedes aegypti na nagdudulot ng dengue ay day biting.
Kung ang Aedes aegypti ay mahilig sa mga malinis at hindi dumadaloy na tubig para pangitlogan, ang "Culex mosquito na may Japanese Encephalitis virus ay madalas na nasa tubigan na gaya ng irigasyon at babuyan.
Ayon kay Obillo, gusto raw ng mga lamok na Culex sa malalamig na lugar na ginagawa nilang breeding ground.
Mga 'myths' tungkol sa sakit
Sinabi rin ni Obillo na hindi totoo na mas kagatin ng lamok ang mga buntis, mga mahilig uminom, at naka-dark-colored shirts o clothes, dahil lahat ay pwedeng makagat ng lamok.
Kinumpirma ni Obillo na mas delikado ang mga bata sa kagat ng lamok na nasa edad 15 pababa. Bagaman may naitatala rin kaso ng mga matatanda, hindi raw ito kasing dami ng mga pediatric cases o kaso ng mga bata.
Itinuturing ni Obillo na "alarming" ang kaso ng Japenese encephalitis dahil 3 out of 10 daw sa nakakagat ng lamok ay namamatay, at dumadami rin ang insidente.Mga sintomas ng Japanese Encephalitis
Ang isang tao na nagkakaroon ng Acute Encephalitis Syndrome ay makararanas ng lagnat na tatagal ng lima hanggang 15 araw mula nang siya ay makagat ng lamok.
Maapektuhan nito ang utak at mamamaga, at maaaring magkaroon ng pagbabago sa kaniyang "sensorium," na magiging dahilan para antukin, disoriented at confused.
Kapag malala na ang kaso, maaaring ma-comatose ang pasyente.
Mga lunas at dapat gawin
Sinabi ni Obillo na naghahanap na ang Department of Health ng vaccine at isasama nila sa Expanded Program on Immunization para libre na maibigay sa publiko.
Iminungkahi ni Obillo na magsuot ng protective clothes at paggamit ng insect repellants bilang mga "basic" na dapat gawin upang maiwasan ang Japanese Encephalitis.
Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin:
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
