Mga katanungan tungkol sa kababaihan mula sa netizens ang binigyan ng kasagutan sa nakaraang episode ng programang "Pinoy MD." Kabilang sa mga naitanong ay kung ano ang posibleng dahilan kung bakit pangangati tuwing gabi ang maselang bahagi ng katawan ng babae.

Ayon sa OB-Gynecologist na si Dr. Raul “Dr. Q” Quillamor, marami ang posibleng dahilan ng pagkati ng pribadong bahagi ng katawan ng isang babae tulad ng impeksyon.

Aniya, ang mga babaeng mayroon diabetes ay mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng tinatawag na fungal infection sa ari.

Ang matapang na sabon na gamit sa paglalaba sa underwear ay maaari din umanong maging dahilan ng pangangati lalo na kung sobrang sensitibo ang balat sa naturang bahagi ng katawan ng babae.

Dapat din umanong ikonsidera kung may pagkukulang sa personal hygiene o kalinisan ng babae na baka kailangang iwasto.

Ang isa pang posibleng maging dahilan ng pangangati ng ari ng babae ay ang pagkakaroon ng "vulvar cancer" na dapat umanong ipasuri sa duktor.

Panoorin ang buong pagtalakay ng "Pinoy MD" at alamin ang kasagutan ni Dr. Quillamor sa iba pang mga tanong tulad sa usapin ng tinatawag na "mababang matris" at kung masama bang mag-breastfeed ng baby ang inang naninigarilyo:


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News