Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ng obstetrician-gynecologist na si Dr. Raul Quillamor kung may katotohanan ba na maaaring magdulot ng cancer ang pag-inom ng birth control pills o oral contraceptive pills (OCPs). Panoorin.

Ayon kay Quillamor, kumpara noon ay mas mababa na ang "dosage" ng OCPs.

"Ngayon kasi, low dose na sila. Ibig sabihin, mababa na 'yung dose ng estrogen at mababa na 'yung dose ng progesterone. Hindi tulad noong mga 1960s, 1970s na high estrogens ang component ng OCPs na 'yan," paliwanag ng duktor.

Sinabi niya na lumabas sa mga pag-aaral noon na mataas ang insidente ng breast cancer sa mga babae na gumagamit ng OCPs o pills, bago pa ibinababa ang dose ng estrogen at progesterone.

Bagaman tumataas ang tiyansa na magkaroon ng breast cancer ang mga gumagamit ng OCPs o pills, napapababa naman daw nito ang tiyansa na magkaroon ng iba pang uri ng cancer.

"Kapag tinitingnan natin ang overall effect ng OCPs, mas mataas 'yung benefits over the risks. Ang benefits nito, aside from the contraceptive effect, mayroon ding protective effect ang OCPs sa ovarian [cancer] and cancer ng lining ng endometrium," ayon kay Quillamor.

Panoorin ang buong paliwanag ni Dr. Quillamor at ang iba pa niyang tugon sa ipinadalang mga tanong ng netizens sa "Pinoy MD." Kasama rito sa mga itinanong ay kung makasasama ba sa isang nagbubuntis kung mayroong hyperthyroidism?



Click here for more GMA Public Affairs videos:

FRJ, GMA News