Ano mang pag-iingat ng mga magulang, may mga pagkakataon na hindi maiiwasan na malalagay sa panganib ang mga sanggol. Sa programang "Mars," ipinakita kung ano ang maaaring gawin upang sagipin ang sanggol kung sakaling mahirapang huminga.

Ipinakita sa programa ni Louie Domingo ng Emergency Management Center, kung paano ang tamang paraan ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) na may kasamang chest compression sa sanggol na hindi makahinga dahil sa allergic reaction.

Para gawin ito, buhatin ang sanggol sa paraan na tinatawag na "football hold." Maingat na hawakan ang leeg ng sanggol at ipatong ang katawan nito sa braso.

Sa paggawa ng compressions, ipatong ang palasingsingan o "ring finger" sa nipple line ng sanggol, samantalang gagamitin ang hintuturo (index finger) at hinlalato (middle finger) sa pagpindot (o pagdiin) sa dibdib ng bata.

I-compress ang dibdib ng bata nang 30 beses.

Matapos nito, isunod naman ang pagbuga nang dalawang beses ng hangin sa bibig at ilong ng bata. Ulitin ang 30 compressions.

Sakaling namang na-"choke" o nabilaukan ang sanggol at hindi siya makahinga at makaiyak, hawakan uli ito gamit ang "football hold" at gawin ang CPR na may kasamang chest compressions.

Matapos ang isang cycle, baligtarin ang sanggol mula sa football hold ngunit medyo nakababa ang ulo ng bata.

Hanapin ang dalawang shoulder blade ng bata at bigyan ng back slaps ang gamit ang "heel" ng kamay. Paluin nang limang beses.

Baligtarin uli ang sanggol at buksan ang kanyang bibig sa pamamagitan ng baba at silipin kung kaya nang alisin ang bagay na bumabara.

Panoorin ang buong proseso at iba pang tips sa pag-iingat sa sanggol tulad ng paggamit ng mga stroller.

(Paalala, upang higit na magkaroon ng sapat na kaalaman sa CPR, mas makabubuting pormal na sumailalim at dumalo sa mga aktwal na pagsasanay.)

Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News