Ibayong pag-iingat ang kailangan ng mga may-ari o nagmamaneho ng sasakyan dahil nakakaisip na rin ang mga masasamang loob ng iba't-ibang modus operandi para makapagnakaw o matangay ang sasakyan.
Sa programang "Mars," inihayag ni Louie Domingo ng Emergency Management Center ang iba't-ibang modus ng mga kawatan at kung ano ang dapat gawin para maiwasan ito.
Test-drive carnapper
Modus ng mga test drive carnapper na magbitbit ng bata na nakuha lang nila sa kalye at magpapanggap na anak nila ito. Ipapaiwan nila ang bata sa may-ari ng kotse kapalit ng pagmamaneho ng sasakyan. Hindi na babalikan pa ng suspek ang bata habang tangay naman ang sasakyan.
Isa pang ginagamit nila ay mga mamahaling gamit tulad ng laptop. Bilang kapalit sa kanilang pagsakay sa sasakyan ng may-ari. Ipapaiwan nila ang kanilang mamahaling gamit ngunit posibleng sira na ang laptop at wala nang laman ang bag.
Iminungkahi ni Domingo na manatili sa driver's seat ang may-ari ng sasakyan habang nasa gilid lang ang mga mangbibiktima. Makabubuti rin daw kung kukuha ng larawan at i-aalerto ang barangay.Bukas-Kotse Gang
Target naman ng mga Bukas-Kotse Gang na mambiktima sa pamamagitan ng central locking system ng mga sasakyan. Pakay ng kawatan na mabuksan ang main door para bumukas din ang iba pang pinto. Habang nakikipag-agawan ang suspek sa may-ari, bubuksan ng isa pang suspek ang iba pang pinto ng sasakyan at kukunin ang mga gamit ng may-ari.
Siguraduhing naka-lock palagi ang mga pinto at bintana ng kotse kapag nasa loob nito.
Bundol-bundol Gang
Ito ang mga taong nagpapanggap na nabundol o nasagasaan sila ng kanilang bibiktimahing motorista. Target nila ang mga nasa low speed o mabagal na takbo ng sasaktan, tapos aakto sa harapan o gilid na parang nasagasaan. Pagkalabas ng driver sa kotse, dito naman papasok ang mga kawatan.
Kung mayroong dash cam ang kotse, magsisilbi na itong patunay na hindi totoo ang nangyari.
Plate Number Carjackers
Modus ng mga Plate Number carjackers na alisin ang plate number ng mga sasakyan. Magpapanggap silang nahulog daw ito, kaya titigil ang may-ari at lalabas ng sasakyan. Dito na papasok ang mga carnapper.
Ipinayong huwag huminto sa pagmamaneho at huwag nang kunin ang plaka ng sasakyan dahil maaari namang makakuha ng kapalit nito replacement.
Pumunta sa ligtas na lugar tulad ng gas station, convenience store o police department.
"Kapag may mga report ng carnapping, para din ito sa safety ng ating mga motorista. Yung Highway Patrol Group ay patuloy na nakikipag-coordinate sa atin (MMDA), na if in case meron tayong mga video footage na kuha ng CCTV camera na naka-install sa different places dito sa Metro Manila at available ito," sabi ni Vicente Felizardo, Traffic Operations Officer ng MMDA.
"Kaagad naman natin silang binibigyan at kapag merong mga report na mga snatching, holdup o rugby boys na nandiyan sa kalsada, kaagad-agad natin itong ipinapaabot sa PNP upang maaksyunan nila ang mga nasabing maaaring magawang krimen," patuloy niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
