Mas mababa ang posibilidad na mag-isip ang mga kabataan na kitilin ang sariling buhay kung magiliw ang pakikitungo sa kanila ng mga magulang, at naipakikita nila kung gaano sila ka-proud sa anak, ayon sa pag-aaral na ginawa ng isang unibersidad sa Amerika.

Inilabas ang resulta ng pag-aaral ng University of Cincinnati, kasabay ng pagtaas ng suicide rate ng mga tinedyer sa Amerika, na ikinabahala ng mga magulang, mga nagtuturo at health experts.

Nitong nakaraang buwan lang, isang 10-taong-gulang na babae sa Colorado at isang 13-taong-gulang sa California ang iniulat na nagpatiwakal. Ayon sa kanilang mga magulang, may kinalaman daw ang pambu-bully na dinanas ng mga bata sa eskwela kaya nagpakamatay ang dalawang biktima.

"Parents ask us all the time, 'What can we do?'" sabi ni Keith King, may hawak sa promotion and education doctoral program ng University of Cincinnati.

"Kids need to know that someone's got their back, and unfortunately, many of them do not. That's a major problem," dagdag niya.

Ibinase ni King at ng kasamahan niyang si Rebecca Vidourek ang resulta ng kanilang pagsusuri sa 2012 national survey ng mga kabataan na edad 12 pataas, at inihayag na may "significant link" ang pakikitungo ng mga magulang sa mga kabataan na nakakaisip na tapusin ang sariling buhay.

Ang age group na madalas daw na naaapektuhan ng pakikitungo ng mga magulang ay mga batang nasa edad 12 at 13.

Ang mga kabataan sa grupong ito na nagsabing bihira o hindi nila naririnig na ipinagmamalaki sila ng kanilang mga magulang ay "nearly five times" na maaaring makapag-isip na pagpapatiwakal, ayon sa mga mananaliksik.

Sila rin ay "nearly seven times" na posibleng gumawa ng "suicide plan" at halos pitong beses na mas posibleng tangkain na magpakamatay kumpara sa ibang kabataan.

Nakita rin sa pag-aaral ang mataas na peligro ng pagpapakamatay sa mga kabataang edad 12 at 13 na madalang o hindi sinasabihan ng mga magulang na nakagawa sila ng "good job" o hindi sila tinulungan sa mga inuuwing aralin sa bahay.

Ang mga tinedyer na edad 16 at 17 na bihira o hindi nakarinig na "proud" sa kanila ang kanilang mga magulang ay "three times" na mas nag-iisip na magpatiwakal, at halos "four times" na mag-iisip ng "suicide plan" at magtatangkang magpakamatay, kumpara sa mga kabataan na may mga magulang na ipinagmamalaki sila.

"A key is to ensure that children feel positively connected to their parents and family," sabi ni Vidourek, na co-director ng Center for Prevention Science, kasama ni King.

Mas mataas din ang posibilidad ng mga kabataan na magdroga o "risky" sexual behaviors kung hindi nakatuon ang kanilang mga magulang sa kanila, sabi pa ni King.

Napag-alaman ng isang report ng US Centers for Disease Control and Prevention nitong nakaraang taon,  dumoble ang suicide rate sa mga kabataang babae mula 2007 hanggang 2015, at tumaas naman ng 30 percent sa mga lalaki.

Sinasabi ng mga eksperto na maraming kadahilanan na nag-aambag sa suicide risk, tulad ng depression at mental health, negatibong impluwensya sa social media, bullying, kahirapan sa buhay at lantad sa karahasan.

Sa tanong kung ano ang magagawa ng mga magulang, sabi ni King, "You can tell them you're proud of them, that they did a good job, get involved with them and help them with their homework."

Ang pananaliksik ay iprinisenta sa American Public Health Association conference ngayong taon sa Atlanta.-- Agence France-Presse/Jamil Santos/FRJ, GMA News