Hindi maiiwasan na maparami ng kain lalo na kung Christmas at New Year, kaya ang iba ay nadadagdagan ng timbang.
Sa kabila nito, hindi dapat mabahala kahit pa magiging busy ka pagkatapos ng holidays dahil ayon sa mga pag-aaral, hindi kailangang maglaan ng maraming oras para sa ehersisyo, kundi ito ay base sa epektibong workout.
Sa Pinoy MD, ipinaliwanag ni Kapuso host Patricia Tumulak na mas epektibo sa stationary bike ang alternate na walong segundong fast-pace at 12-segundong normal pace sa loob ng 20 minuto, kaysa normal pace na umaabot ng 30 minuto.
Bago at pagkatapos mag-workout, nakakatulong din ang pag-inom ng tubig sa pagbabawas ng timbang dahil ayon sa mga pag-aaral, napapabilis nito ang metabolic rate ng isang tao. Kaya mainam na uminom ng walo hanggang 12 baso ng tubig kada araw.
Pagdating naman sa pagkain, mainam na kumain ng mga may protina tulad ng chicken breast, na nakakatulong mag-build ng muscles. —Jamil Santos/ALG, GMA News
