Nahuli-cam kamakailan ang hinihinalang "bangga" modus kung saan tila sadyang ibinangga ng isang lalaki ang sarili sa isang SUV at nagpanggap na nasaktan para makasingil ng pera sa Imus, Cavite. Alamin sa "Kapuso sa Batas" kung ano puwedeng ikaso sa ganitong uri ng panloloko.

Sa GMA News "Unang Hirit," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na may kaugnayan sa kasong "estafa" ang puwedeng isampa sa mga taong sangkot sa "bangga" modus.

Paliwanag niya, napakalawak ng sakop ng estafa at napakaraming paraan para gawin ang krimen na ito. 

Patuloy niya, kasama sa estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code (RPC), na isang "catch-all term" para sa lahat ng klase ng panloloko ng kapuwa, lalo kung ito ay magreresulta para magkakaroon ng pera ang isang tao at mawawalan naman ang isa dahil sa hininging pinsala.

Sa Article 318 ng Revised Penal Code, sinabi pa ng abogado na may tinatawag na "other deceits" o ibang uri ng pangloloko, na may parusang pagkakakulong na isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan, at may multa na doble sa halaga na naloko ng isang tao.

Ayon kay Atty. Gaby, dahil nabigyan ng pera ang lalaking nagpapanggap na nabundol para sa kaniyang pagpapagamot umano, maituturing itong isang estafa.

Dagdag pa niya, kasama rin sa "other deceits" ang panghuhula o pagbibigay ng interpretasyon ng panaginip "for profit or gain," lalo pa kung magbibigay ng donasyon ang mga nagpapahulang "biktima."

Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin sa video na ito ng "Unang Hirit."


 

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

--Jamil Santos/FRJ, GMA News