Isa't-kalahating taong gulang pa lang si Caroline nang ampunin niya ng mag-asawang Belgian national at dinala sa kanilang bansa noong 1981. Pagkaraan ng maraming taon, sa kaniyang ika-38 kaarawan, bumalik ng Pilipinas sa unang pagkakataon si Caroline para hanapin ang kaniyang tunay na mga magulang na Pinoy sa Bacolod City. Magtagumpay kaya siya?

Ayon kay Caroline, pinalaki naman siya nang maayos ng mga umampon sa kaniya at kailanman ay hindi raw inilihim sa kaniya na isa siyang ampon mula sa Pilipinas.

Nang magdalaga, nagsimula na raw siyang magkaroon ng interes na malaman kung sino ang kaniyang mga tunay na magulang nang makaharap niya noon sa Belgium ang isa sa mga madre sa Pilipinas na nagproseso sa kaniyang dokumento nang ipaampon siya.

Dito niya nalaman na ang kaniyang tunay na pangalan ay Connie Dechino, at pinaniniwalaang tubong Bacolod City ang kaniyang tunay na ina.

Pero lalo raw sumidhi ang kaniyang pagnanais na malaman at makilala ang kaniyang mga tunay na magulang nang siya man ay maging isang ganap na ring ina.

At sa kaniyang ika-38 kaarawan, sinorpresa siya ng kaniyang mister ng regalo na plane ticket papuntang Pilipinas para subukang hanapin ang kaniyang mga magulang.  Magtagumpay kaya siya? Panoorin ang kaniyang kuwento sa pagtutok na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Click here for more GMA Public Affairs:

-- FRJ, GMA News