Kahit inaanay, sira-sira at halos mabuwal na, wala pa ring plano ang mag-asawang lolo Hermie at lola Tuna na lisanin ang kanilang tahanan na nagsilbing kanlungan nila para makalimutan ang mapait na alaala sa pagpanaw noon ng kanilang nag-iisang anak.

Dahil na rin sa kanilang katandaan at kakapusan sa buhay, wala rin silang kakayanan na ipaayos ito hanggang sa dumating sa kanilang buhay ang estrangherong may mabuting kalooban na si Linda.

Laki rin umano sa hirap si Linda pero dahil sa pagsisikap ay nakapagpundar ng maliit na negosyo na kasasapat sa kanilang pangangailangan sa araw-araw.

Nang makita niya ang kalagayan ng mag-asawang matanda, hindi niya ito kinayang tiisin. Kaya ang perang naipon para ipagawa ang kanilang bahay, ginamit niya upang sina lolo Hermie at lola Tuna ang magkaroon muna ng maayos na matitirhan.

Sa tulong na rin ng ama ni Linda at iba pa nilang kaanak, itinayo nila ang bagong tahanan ng mag-asawa upang kahit papaano ay maging maginhawa ang kanilang kalagayan.

Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," at humugot ng inspirasyon sa pagmamahalan nina lolo Hermie at lola Tuna, at ang pagiging magandang halimbawa ni Linda sa pagtulong sa kapwa.

Click here for more GMA Public Affairs videos


--FRJ, GMA News