Matapos na mabigo noong nakaraang linggo na mahanap ang tunay na ina, muling nabuhayan ng pag-asa si Ryan Mendoza na nakatira na ngayon sa Italy, matapos lumitaw ang isang babae na nagpakilalang siya talaga ang nanay ni Ryan. Ang babae, isip-bata at nabuntis umano ng lalaking mas matanda sa kaniya noon.

 

READ: Ang masalimuot na paghahanap sa tunay na ina ni Ryan Mendoza

Sa patuloy na pagtutok ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sa paghahanap ni Ryan sa kaniyang tunay na ina, isang pamilya ang nagbigay ng impormasyon at nagsabing kilala nila at dating kapitbahay si Aling Toyang, ang matandang nag-alaga noon kay Ryan, na kinalaunan ay nagpa-ampon sa isang mag-asawa na walang anak at nagdala sa kaniya sa Italy.

Ang sinasabing tunay na ina ni Ryan, si Marites Tolentino, na may diperensiya sa pag-iisip at nabuntis daw noon ng isang lalaki na higit na matanda sa kaniya pero nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang pagsasama.

Malayo ito sa kuwentong nakuha ni Ryan, na ang kaniyang ina ay nagtatrabaho sa bar at nabuntis ng isang kostumer na manliligaw. Hindi rin umano ipinambayad-utang sa renta si Ryan noong baby pa lang kaya napunta kay Aling Toyang, na pumanaw na.

Kuwento ng pamilya Tolentino, kinuha ni Aling Toyang si Ryan sa ospital nang isilang ni Marites para ipaampon sa mag-asawang walang anak. Hindi rin umano totoo na ipinagpalit sa pera si Ryan, bagkos ay tinanggihan pa raw nila noon ang P3,000 ibinibigay ng Aling Toyang sa ina ni Marites.

Kinumpirma naman ng anak ni Aling Toyang na si Zenaida, na kilala nila ang pamilya ni Marites.

Posible umanong iniba ng kaniyang ina ang tunay na kuwento tungkol sa pagkatao ni Ryan para hindi mag-alala ang aampon kay Ryan kung malalaman nila na may diperensiya sa pag-iisip ang tunay nitong ina.

Nang magkausap sa pamamagitan ng video call, nakausap ni Ryan si Marites at ang pamilya nito.

Aminado naman si Ryan na magaang ang loob niya sa pamilya ni Marites at wala umanong magbabago sakaling mapatunayan na may deperensiya sa pag-iisip ang kaniyang tunay na ina.

Para malaman kung si Marites ang tunay niya ina, isinailalim ito sa DNA test, maging si Gina Castillo na isa rin sa naniniwalang siya ang tunay na ina ni Ryan. Panoorin ang buong episode sa video na ito ng "KMJS."

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News