Anim na malalakas na bagyo, mga pagbaha, isang 7.4 magnitude na lindol, at paglaganap ng AIDS sa mga kabataan. Ilan lamang ito sa mga hinulaang darating sa 2019 o Year of the Earth Pig.

Isinaad ni Feng Shui consultant Suzette Arandela sa GMA News "Unang Hirit," na sadyang mas maraming "tubig" sa taong ito kaya inaasahan din ang maraming landslides.

Bukod sa anim na malalakas na bagyo, mayroon ding mga mahihinang bagyo na marami ang mapipinsala.

Maaapektuhan ng malalaking baha ang Mindanao, Central Luzon, Surigao, Davao at Southern Luzon.

Mahina naman daw ang pagsabog ng Bulkang Mayon at hindi gaanong makakapinsala lalo mula Enero hanggang Marso.

Hinulaan din ni Arandela na mayroong pampasaherong barkong lulubog sa buwan ng Oktubre dahil sa mga bagyo .

Nasa 6.5 hanggang 7.4 naman at tectonic in origin ang lindol na makakaapekto sa Metro Manila bago matapos ang taon.

Marami ring malalaking sunog ang mangyayari lalo sa Caloocan, Sampaloc, Quezon City at Taguig.

Bukod sa AIDS, lalaganap din daw ang dengue.

Paalala naman na ito'y mga prediskyon lamang at pinapayuhan ang publiko ng ibayong pag-iingat. —Jamil Santos/ LDF/FRJ/BAP, GMA News