Nairaos muli nang matiwasay ang traslacion ng Poong Nazareno noong 9-10 Enero 2019. Bagama’t may kaakibat pa ring mga problema na hindi mawawala sa isang big event na apat na milyon at kalahati ang tumungo, walang anumang malaking insidente ang naitala.
Sa panahon ngayon, ang madalas na madaling mapansin ay ang mga pagkakahati. Halimbawa, ang hidwaan sa pagitan ng simbahan at ng pamahalaan o ang pagkakahati mismo bilang mga mamamayan.
Subalit, bilang isang tagapagmatyag at mananaliksik ng traslacion ng Poong Nazareno ng Quiapo mula pa noong 2014, liban pa sa malalim na debosyon ng tao sa Poong Nazareno, ang isang natatagong lihim ng Quiapo ang masusumpungan: ang pagtutulungan ng lahat ng sektor upang maisagawa ang prusisyon sa ninanais na kahihinatnan—ang ligtas na mairaos ang traslacion.
KONSEPTO NG TRASLACION
Mula noong panahon ng Espanyol ang prusisyon ng Nazareno ay nasa Quiapo lamang. At sa maraming taon, ang isa sa pinakadelikadong bahagi ng prusisyon tuwing 9 Enero ay ang paglabas ng poon sa mga bukana ng simbahan ng Quiapo.
Ang pag-uunahan ng lahat upang makalapit sa senyor ay nagbubunsod sa daluyong ng tao na ikinaiipit ng mga tao lalo ang mga malapit sa mga pader. Dahil dito, may mga nasasaktan at mayroon pa ngang namamatay.
Subalit noong 2007, nagkaroon ng ideya upang ipagdiwang ang ika-400 taon ng pagdating ng mga paring Rekoletos sa bansa na siyang nagdala ng imahe ng Nazareno mula Mehiko ay simulan ang prusisyon sa Luneta kung saan may simbahan noon at doon unang inilagak ang Nazareno bago inilipat sa Recoletos Church sa Intramuros at hindi naglaon, sa Simbahan ng Quiapo.
Dito nakita na dahil malaki ang espasyo sa harapan ng Quirino Grandstand, maiiwasan ang pagkaipit ng tao tulad ng nangyayari sa kaliitan ng espasyo ng Plaza Miranda.
Kaya naman sa kapistahan para sa 2009, napagdesisyunan ng Basilika ng Quiapo sa pangunguna ng noon ay rector nito na si Monsignor José Clemente Ignacio na taunan nang gawing sa Luneta ang pagsisimula ng prusisyon para mas marami ang makalahok at mas ligtas na masimulan ang prusisyon.
Nagkaroon din ng bagong katawagan para dito—Traslacion. Sa tradisyon ng traslacion, ang kahulugan ay paggunita sa “paglilipat” ng Mahal na “Ina” ang Peñafrancia ng Naga.
ANG PAGKABUO NG COMMAND CENTER
Dahil sa milyon ang nakikilahok sa prusisyong ito at sa pagiging “intense” ng mga deboto, hindi ipinapasa-Diyos lamang ang kaligtasan ng tao. Dahil dito nakikipagtulungan ang pamunuan ng Basilika ng Quiapo sa pamahalaan at iba pang mga sektor.
Apat na buwan bago ang prusisyon, nagpaplano na ang iba’t ibang ahensya ng lokal at pambansang pamahalaan, kabilang na sa pamahalaan ng Maynila, dahil ang alkalde ang Hermano Mayor ng kapistahan.
Tinatawagan na ng pinuno ng Quiapo Church Disaster Preparedness and Response Ministry na pamumuno ni Sister Minnie Seculles ang mga kinauukulan upang dumalo sa mga pagpupulong. Siya ang nagsisilbing tagapag-ugnay sa mga opisyales ng pamahalaan at ng parokya.
Sa mismong mga araw ng mga aktibidad, ang pinagsamang lakas ng mga ahensya ay makikita sa isang command center sa Basilika. Dito minamatyagan at nagkakaroon ng pangkabuuang pananaw ng sitwasyon ng kapistahan. Upang magkaroon ng tamang pagpapasya, kritikal na magkaroon ng maayos at hindi nakalilitong pagkuha ng impormasyon, dahil “information is aid.”
Halimbawa, ano ba ang magiging panahon? Ilan ang bilang ng mga tao? Ilan ang dami ng sugatan? Ang maling impormasyon ay maaaring ikahantong sa maling pagpapasya at ito naman ay maaaring ikapahamak ng mga deboto.
Ang mahalagang papel na ito ay ginagampanan ng team ng Emergency Response Integration Center o ERIC sa pamumuno ni Managing Director Bong Grajo. Si Bong ay isang deboto ng Nazareno na matagal nang tumutulong sa basilica at naging kaagpay pa ni Monsignor Clem.
Noong 2011, itinatag niya ang ERIC sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Sendong at mula noon, ay tumulong na sa pagsasama-sama ng iba’t ibang mga efforts ng pamahalaan at simbahan sa iba’t ibang mga sakuna at lalo na sa prusisyon ng Nazareno sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga datos upang magkaroon ng klarong larawan ang mga tagapagdesisyon kada oras.
Liban sa ERIC, maraming mga boluntaryo na kabataan at kawani ng Basilika ang tumutulong sa command center sa mga gawain nito tuwing pista at sa iba pang aktibidad tulad ng Mahal na Araw. Gayundin ang pakikipagtulungan ng mga iba’t ibang grupo nais tumulong sa medical needs ng prusisyon na ipinagkakaisa naman ni Sister Malou Garalde.
ISTRUKTURA NG PAGDEDESISYON
Ang command center ang nagbabato ng impormasyon sa mga pangunahing tagapagdesisyon ng pista. At dahil hindi na lamang ito pista ng Quiapo at naging mas malaki nang pangyayari, nagkaroon na ng pakikipagtulungan na nagaganap at mga pagpaplano sa anumang maaaring mangyari.
Ang organisasyon ay nahahati sa apat at tumatalima sa konseptong “bayanihan.” Ang “alfa” ay tumutukoy sa pagdedesisyon sa lebel lamang ng parokya ng Quiapo sa pinangungunahan ng rektor nito na si Monsignor Hernando “Ding” Coronel kaagapay sina Father Ric Valencia ng Caritas Manila, Father Douglas Badong at Father Danichi Hui.
Sa ilalim nila ang technical working group na kinabibilangan ni Brother Alex Irasga, ang security na pinamumunuan ni Brother Ahmed Albesa, ang mga fiesta committees, mga consultant sa crowd management katulad ni Martin Aguda, Jr., ang mga boluntir ng Basilica at siyempre, ang anim na pangunahing grupo ng mga namamasan o ang mga Hijos del Nazareno: HDN Central, HDN Basilica, HDN Minor Basilica of the Black Nazarene (MBBN), HDN Nuestro Padre Jesus Nazareno (NPJN), Bukluran Marshalls at Anak ng Poong Nazareno (ANPON) at ang mga grupo na nasa ilalim nila.
Ang “bravo” ay tumutukoy naman sa lebel ng lungsod ng Maynila na binubuo ng Manila DRRMC, alkalde ng Maynila, City Health, Traffic, Public Service, Engineering, Tourism, PNP-Manila Police District, Bureau of Fire Protection-Manila at mga NGO Partners.
Ang “charlie” ay tumutukoy naman sa lebel ng National Capital Region na binubuo ng Metro Manila DRRMC, Office of Civil Defence-NCR, MMDA, Joint Task Force, NCRPO, NICA, DSWD-NCR, DOH-NCR, DILG-NCR, DPWH-NCR at ang iba pang mga lungsod.
Ang “delta” ay tumutukoy na sa lebel ng pambansang pamahalaan at ang mga ahensya nito na pinangungunahan na ng NDRRMC at ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.
Depende sa sitwasyon, maaaring ang pagdedesisyon ay ibato sa mas mataas na label depende sa mga pangyayari. Halimbawa nito ay ang nangyari noong 2012 nang magkaroon ng impormasyon na may nagbabalak ng terorismo sa prusisyon ay na-involve na ang delta level sa pagdedesisyon, mismo si DILG Secretary Jessie Robredo, Pangulong Noynoy Aquino at Cardinal Tagle ay nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng simbahan at ng Chief Marshall ng namamasan noon na si Brother Nick Salimbagat.
Sa oras naman na dumating na tumawid sa Ilog Pasig ang prusisyon, ang nangunguna naman sa pagmamatyag ay ang Philippine Coast Guard at ang mga auxiliaries nito.Gayundin, kung magkaroon ng malaking sakuna na gawa ng tao, ang mangunguna sa pagdedesisyon upang tugunan ang sakuna ay ang Manila Police, at susuporta ang DRRMO.
Subalit kung gawa naman ng kalikasan, DRRMO na ang mangunguna at susuporta ang kapulisan. Ngunit kung magkaroon ng deklarasyon ng terorismo, Armed Forces of the Philippines na ang mangunguna, sunod ang PNP.
Sa taong ito, may tatlong areas of operation: Ang Quiapo Church, ang Luneta o Quirino grandstand at ang procession route. Ang ruta ng prusisyon ay nahahati sa sampung segment at 14 na prayer stations (isang konseptong sinimulan noong isang taon na nagbigay ng ibang solemnidad ng prusisyon at epektibong naglagay sa marami sa estado ng pananalangin). Bawat segment ay pinangungunahan ng isang opisyal ng pulisya at may nakatalagang command base at area of evacuation sa anumang maaring mangyari.
MGA PAGBABAGO SA NAKARAANG MGA TAON
Ang mga kinaharap na hamon sa mga nagdaang taon ay nagkaroon ng malaking papel sa pagbabago at pag-unlad sa pagsasagawa ng Traslacion at sa matibay na koordinasyon ng iba’t ibang sektor.
Halimbawa, matagal nang problema ang pag-uunahan ng tao upang masimulan na ang prusisyon at makalapit sa senyor. May mga panahong hindi pa natatapos ang misa ay nilalapitan na ang senyor at naantala ang banal na rituwal. Gayundin, noong 2017, isang oras ang naging delay sa prusisyon dahil sinalubong ng tao ang andas at napunta sa kabilang bahagi patungong Kalaw ang Traslacion at nahirapang maisalya ulit patungo sa direksyon ng Burgos ang andas.
Subalit simula noong isang taon, ang disiplina ng mga grupong Hijos del Nazareno ay napamalas dahil nanatili lamang sa posisyon habang nagsimulang umusad ang undas mula sa Quirino Grandstand ang nagpadali ng pag-usad ng prusisyon. Nagawa ito muli noong nakaraang Thanksgiving Procession noong 31 Disyembre sa Plaza Miranda.
Matapos ang isang buwan, isang pulong ang kadalasang ginagawa upang magkaroon ng assessment ang iba’t ibang ahensya kung paano tumakbo ang nakaraang Traslacion.
Dahil sa ganitong sistema—naaanyayahan ang Quiapo Church at ang ERIC sa iba’t ibang lugar hindi lamang upang tumulong sa tuwing may sakuna ngunit upang makonsulta sa kanilang mga kapistahan at malalaking mga kaganapan. Sila ay naging bahagi ng Papal Visit noong 2015, nakonsulta noong Eucharistic Congress sa Cebu at naanyayahan na rin sa Peñafrancia sa Naga.
Isa sa malaking pinaghahandaan ng CBCP ay ang pagdiriwang ng Kinsentenaryo o ang ika-500 taon ng pagdating ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021 at ERIC at muli magiging malaking bahagi sila nito.
Kanilang ipinapakita na maaring makuha ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor dahil iba-iba man ang interes at minsan ay may mga hidwaan man ang simbahan, pamahalaan at pribadong sektor ay iisa lamang ang nais ng lahat: na maging ligtas mula sa mga sakunang maaari namang maiwasan.
Ang pakikipagtulungan ng simbahan, pamahalaan, at ng mga ordinaryong mga mamayan sa Quiapo ang nagsisilbing modelo para sa mga malalaking events at nagpapakita nang epektibong pagtutulungan para maisalya tungo sa kaligtasan ng mga mamamayan ang anumang pangyayari. At muli, nakakamit lamang ito dahil gumagamit ng tamang impormasyon na nagagamit ng bawat isa, mula sa pinakamataas na pinuno hanggang sa pinaka-ordinaryong tao sa pagpapasya, tungo sa mas maayos na Traslacion taun-taon.--FRJ, GMA News
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila at senior lecturer sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sinusulat niyang disertasyon para sa Ph.D. Antropolohiya ay tungkol sa Traslacion ng Nazareno ng Quiapo.
