Nitong lamang Setyembre, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na muling bumalik ang polio sa Pilipinas, at may dalawang kinumpirmang kaso.
Paano nga ba ito nakukuha at paano ito maiiwasan?
Sa programang "Pinoy MD", sinabing ang poliomyelitis o polio ay naipapasa kapag ang dumi ng isang may polio ay pumasok sa bibig ng isang wala pang sakit.
Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Rolando Enrique Domingo, maaari itong makuha sa pamamagitan ng pagkain o ng contaminated na tubig.
Ilan sa mga sintomas ng polio ay ang lagnat, sakit ng lalamunan, sakit ng ulo, pagsusuka, sakit ng likod, sakit ng tiyan at pagtatae.
Walang gamot sa polio, kung kaya ang pinakamainam na paraan ay ang pag-iwas sa pamamagitan ng bakuna at pagpapanatili ng malusog na katawan.
—Jamil Santos/KG, GMA News
