Pag-usli ng mga ngipin, pagpayat ng katawan, at panunuyo at pagpatse-patse ng mga balat. Ilan lamang ito sa mga iniinda ng tatlong babae nang dahil sa sakit na Scleroderma. Papano nga ba ito nagkukuha at ano ang posibleng lunas? Panoorin.
Sa "Pinoy MD," sinabing ang Scleroderma ay isang Rheumatic autoimmune disease kung saan ang connective tissues sa ilalim ng balat at palibot ng internal organs at blood vessels ang sinisira ng immune system imbes na ang sakit.
Nagreresulta ito ng sobrang produksyon ng collagen sa balat, kaya ito'y nagiging makapal, naninigas at mahigpit ang kapit.
May dalawang uri nito, ang Localized Scleroderma na nakukuha ng mga bata, at ang Systemic Scleroderma na nakukuha kadalasan ng mga kababaihan.
Kilalanin sina Aprilyn Ancheta, Jane Balawang at Ferlene Vistro, na pinahihirapan ng Systemic Scleroderma.
Sa kanilang tatlo, si Ferlene ang may pinakamalalang kondisyon, na nagsimula sa pagiging kulay kahoy ng kaniyang balat hanggang sa pagsakit ng kaniyang mga buto.
Ngayon, apektado pati ang digestive system ni Ferlene kung saan hirap din siyang lumunok. Bukod dito, apektado rin ang kaniyang baga at mayroon siyang UTI.
Mas nagpapahirap pa kay Ferlene ang pangungutya sa kaniya ng ilang tao. Kung kaya nanawagan ang kaniyang ina na huwag laitin ang mga may Scleroderma. —Jamil Santos/LDF/FRJ, GMA News
