Maituturing asset ng isang tao ang maputing ngipin at mabangong hininga. Sa programang "Good News," nagbigay ng ilang home remedies ang isang dentista kung papaano mapapangalagaan ang ngipin na hindi kailangang gumastos nang malaki.

Sa "Good News," itinuro ni Dra. Guendolyn Wee ang iba't ibang treatment para maging maputi ang ngipin at mapangalagaan ang bibig.

1. Para sa hininga - Maghanda ng activated charcoal na mabibili sa drug stores at online stores. Ihalo ito sa tubig hanggang sa maging paste, ipahid sa ngipin at ibababad ng ilang minuto. Maaari din itong imumog.

Whitening agent aniya ang charcoal at antibacterial pa kaya maganda ito sa gums at sa hininga.

2. Para sa sumasakit na ngipin - Paghaluin ang tubig, asin at paminta. Magsawsaw ng bulak sa mixture saka ibabad ito sa masakit na ngipin sa loob ng isa hanggang tatlong minuto.

Sinabing pampawala ng toothaches ang carbon sa activated charcoal.

3. Para sa naninilaw na ngipin - Ihalo ang baking soda sa toothpaste, saka ipahid sa ngipin. Lagyan ng foil ang ngipin para mababad at mapanatili ang whitening properties ng toothpaste at baking soda.

Hayaan ang foil sa ngipin ng limang minuto. Maaari itong gawin ng isa o dalawang beses kada buwan.

4. Para sa pagtibay ng ngipin - Kumain ng keso, gatas, almonds, yogurt para sa recommended daily calcium intake na 1,000 to 2,000 milligrams.

Puwede rin ang homemade toothpaste gamit ang egg shell.

Durugin ang egg shells hanggang maging pulbos. Haluan ito ng lemon at cocounut oil hanggang sa maging paste at saka ipahid sa ngipin. Ibabad ito sa ngipin ng isa hanggang tatlong minuto.

Gawin ito isang beses kada linggo.

Panoorin ang demo sa naturang mga proseso sa video. --FRJ, GMA News