Nagsimula sa inuman, nauwi sa pag-iibigan ang dalawang babaeng vloggers na sina Roanne at Tina. Pero nagkahiwalay sila dahil sa mga dumaang pagsubok at nagkabalikan din dahil pa rin sa inuman.

Sa programang "i-Juander," itinampok ang kanilang love story kung saan isang home-based education content specialist si Roanne at researcher naman sa U.P. Diliman si Tina.

Nagkita raw sila sa isang bar, at nang parehong lumipat sa ibang bar, nagkita ulit sila. Naglakas-loob si Tina na lapitan si Roanne pero hindi alam ni Tina na matagal nang may crush sa kaniya si Roanne.

Tumagal ng dalawang taon ang relasyon nila at nagsama sila. Sinubok din ang kanilang relasyon nang magkaroon ng Major Depressive Disorder si Roanne.

Hanggang sa tuluyan silang nanlamig sa isa't isa nang mag-masteral si Tina at mawalan ng oras para kay Roanne. Humantong sa hiwalayan ang madalas nilang pag-aaway.

Matapos ang walong buwang hindi pag-uusap, na-engganyo si Roanne na imbitahan si Tina sa isang casting call para sa isang drinking game ng mga mag-ex.

Dito muling nagsimula ang pag-iibigan nila sa isa't isa at naging mas matatag pa nang mag-trip sila to Indonesia.

Panoorin sa video ang paliwanag ng mga eksperto kung bakit nagiging matatag ang pag-iibigan ng mga Pilipino kahit hinahamon ng mga pagsubok. --Jamil Santos/FRJ, GMA News