Paglaki ng kaniyang tiyan, mababa ang sugar at inaatake ng Hypoglycemia; ilan lamang ito sa mga tinitiis ni Ara Tarrosa dahil sa kaniyang Peritoneal cancer. Bukod dito, ininda niya rin ang sakit nang hindi natuloy ang kasal niya sa kaniyang nobyo nang malaman nito na maysakit siya.

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing kailangan sumailalim si Ara sa laboratory tests dahil sa komplikasyon dulot ng kaniyang cancer, tulad ng CT scan, para malaman kung puno ng tubig ang kaniyang tiyan.

Nasaktan din si Ara nang hindi matuloy ang kasal nila ng dating nobyo noong 2015.

"Nagkaroon na lang po kami ng matagal na hindi po kami nag-uusap. Hindi ko po alam kung bakit. Akala ko po kaya namin, siya din po pala 'yung sumuko. Akala ko po matutuloy na 'yung pangarap ko ng isang pamilya, bakit lahat na lang nawala sa akin?" paglalahad ni Ara.

Sa kabila ng kaniyang kondisyon, mas tumibay pa ang relasyon ni Ara sa pamilya.

"Napakapalad ko. Kahit hirap na hirap na sila, kahit pagod na pagod na sila, ramdam ko 'yung love nila," anang dalaga.

Panoorin sa video ng "Tunay Na Buhay" kung paano ipinagpapatuloy ni Ara ang pangarap niyang maging guro sa kabila ng kaniyang kondisyon.

Samantala, sa kabila ng kaniyang kalagayan, nananatiling matatag si Ara.

Kuwento niya,  taong 2015 nang lumabas na mayroon siyang Myoma noong magpa-medical siya bilang requirement sa trabaho. May nakapa raw na bukol sa may bahagi ng kaniyang tiyan na ayon sa doktor, hindi maaaring tanggalin dahil napalilibutan ito ng mga malalaking ugat.

Sumailalim si Ara sa chemotherapy, pero dahil sa paghina ng katawan niya at kakulangang pinansiyal, itinigil ito matapos ang dalawang cycle.

Nagresulta ito sa pagbago ng kaniyang itsura at maging ng kaniyang buhay.

Nagkaroon si Ara ng maraming warts sa katawan, nawalan ng buhok, laging minamanas, pumayat nang sobra, nahirapang huminga, napupunuan ng tubig ang kaniyang baga at kailangan niyang iihi.

Dahil mababa ang kaniyang sugar, kailangan niyang kumain kada dalawang oras para hindi siya atakihin.

Alamin ang paliwanag ng eksperto tungkol sa kondisyon ni Ara.


 

--FRJ, GMA News