"Leap year" ang taong 2020 kung saan mayroong 366 na araw sa buong taon, at dinadagdagan ng isang araw ang buwan ng Pebrero. Papaano nga ba nagkakaroon leap year at ano ang mga paniniwala na kaugnay dito tulad ng pagpapakasal?

Ang tunay na pag-ikot kasi ng mundo nakasanayan natin na 24 hours. Ang tunay na pag-ikot ng mundo umaabot lang ng 23 hours 56 minutes. So kung titingnan natin, sa bawat araw meron tayong kulang na apat na minuto. ‘Yung apat na minuto na ‘yon, kung tinipon natin sa isang taon, makakaipon tayo ng about six hours," paliwanag ng astronomer na si Edmund Rosales sa Sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes.

Kaya kung susumahin umano, sobra ng anim na oras kada taon, o makakabuo ng 24 oras o isang araw sa loob ng apat na taon, na idinadagdag sa Pebrero.

"Hindi lahat ng four years, fourth year eh puwede maging leap year. May rule diyan na it should be divisible by 4 or 400. For example, ang taon natin ngayon 2020, divisible siya ng 4 o 400, okay ‘yon, walang remainder," ayon pa kay Rosales.

Nagkaroon ng ilang paniniwala o pamahiin sa leap year dahil kada apat na taon lang ito nangyayari.

"Kapag February 29, puwedeng mag-propose ang babae sa lalaki para makapagpakasal. Hindi talaga siya pamahiin kundi it's a practice that was granted in the fifth century sa Ireland," sabi ng astrologist Marky Mendoza.

Iminungkahi noon ng ikalawang patron ng Ireland na si Saint Brigid kay Saint Patrick, patron din ng Ireland, na dapat hindi lang lalaki ang magpo-propose ng kasal.

"Ang ginawa ni St. Patrick, to be fair with the women, ginrant ito pero ang sinabi ni St. Patrick, this will happen pero mangyayari lang ito once every three years or sakto natapat sa leap year," ayon pa kay Mendoza.

Isa sa mga leap year baby si Brent Joseph Casero.

"Mga kasabayan ko po, mga kababata ko po is lahat sila taon-taon nagkaka-birthday pero lagi kong hinahanap sa kalendaryo, 'Bakit wala akong birthday?' Hindi naman po puwedeng sagasaan ang March 1 kasi February po talaga ako pinanganak. Kaya ina-advance ko na po sa February 28 o kaya February 27," sabi ni Casero.-- FRJ, GMA News