Buto't balat, maninipis na mga binti na hindi na maiunat, at nakabaluktot ang kanang paa — ito ang kondisyong nararanasan ngayon ng 10-anyos na si Lexin Arniño ng Catarman, Northern Samar. At ang sumusustento sa kaniyang pangangailangan araw-araw, ang P10 na barya na ipinagkakasya ng kaniyang ina para mapainom siya ng gatas.

Bata pa lamang daw si Lexin nang may mapansin nang kakaiba sa kaniya ang nanay niyang si Lourdes. Dalawang taong gulang si Lexin nang bigla raw itong kinombursiyon hanggang sa hindi na niya maidiretso ang kaniyang mga paa.

Hirap ding makalunok si Lexin ng pagkain kaya gatas na lang ang pinaiinom sa kaniya ng ina pero tinitipid niya sa halagang P10.00.

Kung walang gatas, biskuwit na dinurog na nilagyan ng mainit na tubig ang panglaman ng tiyan ni Lexin.

Matapos ang siyam na taon, saka pa lang natingnan ng doktor ang kalagayan ng bata, na sinasabing dulot ng malnutrisyon. Tunghayan sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" kung ano ang kondisyon ni Lexin at kung paano matutulungan ang kanilang pamilya. 

Panoorin sa video ang kuwento ni Lexin at alamin kung papaano siya matutulungan.--FRJ, GMA News