Habang nasa enhanced community quarantine pa rin ang karamihan ng mga tao, hindi maiiwasan na magkaroon ng stress at pagkabalisa sa mga miyembro ng pamilya sa bahay, na maaaring humantong sa away o hindi pagkakaunawaan. Ano nga ba ang dapat gawin para maiwasan ang gulo sa loob ng bahay? Alamin.
Sa Sumbungan ng Bayan, sinabi ni counselor Amy Muga na una, dapat palawakin ng mga tao ang pang-unawa sa ganitong sitwasyon. Maaaring sabihin ng bawat miyembro ng pamilya kung ano ang kaniyang mga takot at pag-aalala, at mahalagang makinig sa nararamdaman ng bawat isa.
Pangalawa, dapat magtulungan ang mga miyembro ng pamilya at magsagawa ng family sharings o meetings. Pagkakataon ang ECQ para kilalanin ang kalakasan ng bawat isa, lalo na sa mag-asawa. Pag-usapan din ang hatian sa mga gawaing bahay.
Pangatlo, pangalagahan din ang self-care, lalo ang mental health. Dapat alamin kung ano ang kaniyang nararamdaman.
Kung naging magkasalungat naman ng political views ang mag-asawa, importante na naroon pa rin ang respeto nila sa pananaw ng isa't isa. Dapat ay itanong din kung mahalaga ba na igiit ang iyong pananaw pero ang kapalit naman nito ay tampuhan sa pamilya?
Panghuli, habaan pa ang pasensiya sa isa't isa dahil ang panahong ito ay hindi ordinaryo sa bawat isa sa atin.--FRJ, GMA News
