Nauso kamakailan ang hashtag na #HijaAko matapos na iparating ng celebrity na si Frankie Pangilinan sa broadcast journalist na si Ben Tulfo na hindi dapat turuan ang mga babae kung paano manamit para hindi mabastos. May kinalaman nga kaya ang pananamit kung bakit nababastos ang isang babae?

Sa ulat ni MJ Geronimo sa Stand For Truth, ikinuwento ng biktima ng sexual harrassment na si Faye na anim na taong gulang siya nang hipuan siya sa maselang bahagi ng kaniyang katawan ng isang lalaki.

School uniform daw ang suot ni Faye noon.

Si "Lia" naman, hindi tunay na pangalan, naka-long sleeves bilang kaniyang high school uniform nang mahipuan din sa mga maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Naulit pa ang panghihipo kay Lia sa bus naman noong nasa kolehiyo na siya.

"So people usually blame the victim, that it's your fault, that it happened to you because siguro may ginawa ka, parang karma. Ang danger is you are taking away their responsibility and accountability from the offender or from the predator," sabi ng psychologist na si Dr. Rica Cruz.

"It's more of violence against women and control of women, dito papasok 'yung power nila na gawin 'yon sa tao na 'yon. Kasi kung titingnan mo, kung ikaw naman talaga ay tinitingnan mo, nirerespeto mo ang tao na pantay kayo, hindi mo 'yun gagawin sa kaniya eh," ayon naman sa psyhcologist na si Riyan Portuguez.

"May cases kasi tayo na kahit sanggol, kahit bata, kahit lalaki, kahit matanda, nagkakaroon ng rape. Wala ito sa pananamit," ayon pa kay Portuguez. —Jamil Santos/LBG, GMA News