Hindi man nakalagay sa bote at ipinaanod sa dagat, romantiko at nakakikilig pa rin ang laman ng mga sulat-pag-ibig na nakita sa kisame ng isang bahay. Ang mga sulat, ginawa pala ng isang lalaking may lihim na pagtingin sa isang dalaga 40 taon na ang nakararaan. Nagkatuluyan kaya sila? Alamin.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ni Gela Petines, na nakita niya ang mga sulat na nakalagay sa isang bag na naiwan sa kisema ng kanilang ancestral house.

Nang mabasa niya ang mga sulat, humanga siya sa laman at pagkakasulat nito na puno ng pagmamahal at malalim na mga pananalita.

"Iniibig kita. Ikaw lamang ang babaeng iniibig ko nang tapat, nang higit pa sa aking buhay," bahagi ng isang sulat.

Nakasulat naman sa isa pang liham ang mga katagang; "Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na hindi mo pababayaan ang aking pusong malunod sa dusa at karimlan." 

Kaagad naging tagahanga si Gela ng lalaking gumawa ng liham.

"'Yung generation po kasi namin hindi na gumagamit nang ganito kalalim na mga pananalita. Ngayon kasi ano na lang eh, 'hello, kamusta?,'" saad niya.

Hinangaan din ni Gela ang katapatan ng gumawa ng sulat na ilahad ang kaniyang nararamdaman para sa babaeng minamahal.

"Gusto ko siguro makaramdam na makatanggap ng mga ganitong salita. Kasi pinag-isipan talaga, napaka-sincere, at sa bawat sulat kasi kailangan mo ilaan lahat ng saloobin," paliwanag pa niya.

Bukod sa mga sulat, may lumang ID at negative ng larawan ng isang lalaki at babae sa bag. Gamit ang isang app sa cellphone, malinaw na nakita ang hitsura ng nasa larawan.

Nakalagay sa ID at mga sulat na isang Alfredo Custodio, at ang ginawa niyang mga liham ay para sa isang babae na nagngangalang "Daday."

Sa kagustuhan ni Gela na maibalik kay Alfredo ang mga liham, ipinost niya ito sa Facebook at hindi naman siya nabigo dahil nakita ito ng lalaking romantiko.

Ayon kay Alfredo na 65-anyos na ngayon,  21-anyos daw siya ng gawin niya ang mga liham para kay Daday. Sadya raw niyang iniwan noon ang bag.

Pagtatapat ni Alfredo, hindi niya kayang sabihin nang harapan kay Daday ang kaniyang nararamdaman sa takot na mabasted. Kaya idinaan na lang niya ito sa sulat.

Iniwan niya ang mga liham nang umalis siya sa pag-asang mababasa ng dalaga.

"Dinaan ko na lang sa sulat, iniwan ko na lang pati 'yung bag. Sabi ko sa mga kaibigan ko, kasamahan ko sa trabaho, kung halimbawa 'ka ko makita n'yo, pakibigay na lang kay Daday," kuwento niya.

Pero paglilinaw ni Alfredo, hindi si Daday ang kasama niya sa larawan kung hindi ang kapatid niya.

Hindi rin sila nagkatuluyan si Daday. Gayunman, masaya siya sa piling ng kaniyang naging asawa na si Salvacion.

"Hindi ko na masasabi na may interes pa ako na pagmamahal sa kanya kasi mayroon na rin akong asawa," sabi ni Alfredo.-- FRJ, GMA News