Dahil sa bigat ng pagsubok na dulot ng COVID-19 sa mga nagiging biktima ng virus, hindi naiiwasan na makaranas ng halusinasyon ang ilang pasyente. Tulad ng isang Pinoy frontliner sa United Kingdom na ikinuwentong pumasok sa kaniyang isipan na wakasan na lang ang buhay para matapos na kaniyang paghihirap.

Sa episode ng "Frontliners," itinampok ang naging paglaban ni Billy Bruno sa COVID-19 at sa "bulong" na nag-uudyok sa kanila na sumuko na sa laban.

Tatlong dekada nang nurse si Billy at halos 20 taon nang naninirahan sa UK kasama ang pamilya. Nurse din ang misis niyang si Elizabeth, at doon na isinilang ang tatlo nilang anak.

Kasama rin ng pamilya ni Billy sa kanilang tiyo at tiya, na parehong senior citizens na.

Nitong Marso, nakaramdam daw si Billy ng pagod matapos siyang magbigay ng medical treatment sa isang COVID-19 patient.

Lumala pa kinalaunan ang kaniyang lagay, na maging sagad hanggang buto ang sakit ng kaniyang katawan.

Dito na raw magsimulang maglaro sa isipan ng Billy na wakasan na lang ang kaniyang buhay.

"Masyadong masakit na 'yung katawan ko, ayokong [maging] pabigat sa pamilya ko. Tapos nandoon ako sa third floor, sabi ko nakabukas 'yung bintana, tatalon ako sa bintana para tapos na ang lahat kasi hindi ko kaya eh... I want to end this thing, kaya I dont want to infect them," pagbabalik-tanaw niya.

Gayunman, pinilit ni Billy na magpakatatag at nanalangin.

Abril 4 nang dalhin na siya ng kaniyang pamilya sa ospital, at Abril 5 nang makumpirmang positibo siya sa COVID-19.

"Feel ko 'yung mamamatay na ako... 'Yung survival instinct na lang, ganu'n na lang nasa isip ko nung time na 'yun. Ang mahirap kasi 'yung pain eh, kasi 'yung pain ko is from top to bottom. Hindi na ako makagalaw," sabi ni Billy.

Nadagdagan pa ang pagsubok sa pamilya nang magpositibo rin sa virus ang kaniyang asawa, at kanilang tiyo at tiya, at nagkaroon din sintomas ng COVID-19 ang dalawa sa tatlo nilang anak.

Nabalot si Billy ng lungkot at pangamba hanggang sa makaranas na ng halusinasyon.

"Nandoon ako sa isolation room, as far as I know, nag-iisa ako doon. Nagising ako one time, mga three o' clock in the morning, 'yung isang lalaki sa kaliwa ko nakaupo lang siya, nakatingin sa towards the toilet," kuwento niya.

"Tapos 'yung nasa right sit ko, bumubulong sa akin, sabi niya 'Billy, alam mong pinag-eeksperementuhan ka nila rito. Kung gusto mo makalaya, tingnan mo 'yung bintana, lumabas ka, umakyat ka sa bubong," patuloy ni Billy.

Dagdag pa raw ng naririnig niyang tinig: "'You will set free ‘pag umakyat ka ng bubong.'"

Muntik na raw maniwala si Billy hanggang sa buksan niya ang mga mata niya. At sa tulong ng kaniyang pamilya at matalik na kaibigan na isa ring COVID-19 patient, unti-unting nakabangon si Billy.

Ang kaniya namang pamilya, na-discharge na rin at nakauwi matapos ang ilang araw.

Panoorin ang buong kuwento ni Billy, at paliwanag ng mga eksperto tungkol sa mga halusinasyon at ano ang kailangang gawin para malagpasan ito. --FRJ, GMA News