Mula nang magkapandemya, hindi na nakapasada si Mario Balmes. Ang resulta, napaalis sila sa kanilang inuupahan dahil wala na siyang pambayad at napilitan ang kaniyang pamilya na sa jeep na tumira.

Sa loob ng mahigit 20 taon, sa pagmamaneho ng pampasaherong jeep kinukuha ni Mario ang panggastos sa kaniyang pamilya.

Kaya naman malaking dagok sa kaniya nang matigil siya sa pamamasada dahil wala siyang ibang trabahong mapapasukan noong nagka-lockdown.

Nagtitiis sila ngayon ng kaniyang asawa at tatlong anak sa loob ng jeep, na palipat-lipat din ng puwesto.

Sa ngayon, nakakapagtrabaho siya sa isang tindahan bilang tagalinis ng karne ng manok at kumikita ng hanggang P150.

At bagaman pinapayagan na ang ibang tsuper na makapasada, hindi naman magawa ni Mario na ihanda at lagyan ng mga kailangang plastic na harang ang kaniyang jeep para sa health protocol dahil wala silang tutulugan ng kaniyang pamilya.

Paano nga ba muling magsisimula ang mga katulad ni mang Mario? Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video na ito ng "Reporter's Notebook."

--FRJ, GMA News