Kalunos-lunos ang sinapit ng isang batang dalawang-taong-gulang sa Quezon City na nasawi matapos magsaksak ng kutsara sa extension cord at makuryente. Paano nga ba mapoprotektahan ang mga bata sa mga electrical wiring at maiwasan ang mga ganitong insidente?
"'Yung outlets natin, as much as possible, kailangan nating maitaas o mailayo sa access ng mga bata para maiwasan natin na mahawakan nila o may maisaksak sila na ano mang bagay na conductor," sabi ng safety specialist na si Engineer Larry King sa "Unang Hirit," na nagsuhestiyon na maaaring ilagay sa likuran ng mga upuan ang mga outlet.
Ayon kay King, mas mainam ang mga outlet na may flat na opening dahil mas kakaunti ang mga bagay na posibleng maipasok dito.
“Kung ang ating appliances ay hindi naman kailangan na nasa baba 'yung outlet, pwedeng itaas para mas madali rin 'yung access (for adults),” dagdag niya.
Para naman sa mga socket na nasa mga pader ng bahay, puwede ang mga do-it-yourself na cover tulad ng mga gamit na food container.
“Tabasan lang in the size of (the) [socket] and then lagyan ng small opening para sa mga wiring. Pwede rin gumamit ng cable hoses para maiwasan na na-e-expose yung wire sa mga bata,” ayon kay King.
Ipinayo rin niya na lagyan ng flexible hoses o plastic molding ang mga wiring, at dapat eksakto lang ang saksakan ng mga extension cord sa bilang ng appliances sa bahay. At kung bibili, dapat ay may cover na ang mga outlet.
"Kapag hindi mo naman gagamitin o nakatiwangwang lang, hindi naman natin ginagamit 'yung appliance na sinaksak natin, i-pullout na lang natin sa source," ayon kay King.
Panoorin ang buong talakayan sa video.
--FRJ, GMA News

