Ayon sa datos ng Global Cancer Observatory, ang uterine cancer ang ikatlo sa pinaka-karaniwang gynecologic cancer sa Pilipinas, lalo sa mga babaeng nasa menopausal stage na. Anu-ano nga ba ang mga sintomas ng uterine cancer?

Sa programang "Pinoy MD," sinabing hindi tiyak ang sanhi ng uterine cancer pero maaaring may kinalaman ito sa hormone imbalance.

Dalawang klase ang uterine cancer: ang endometrial at uterine sarcoma.

Ayon sa gynecologic-oncologist na si Marie Aleli De Castro-Malig, mas nanganganib sa sakit na ito ang mga babaeng post-menopausal o nasa edad 50 pataas, may history ng cancer sa pamilya, at pagkakaroon ng Polycystic Ovary Syndrome (PCOS).

Dagdag ni Dr. Malig, ilan sa mga kadalasang sintomas ng uterine cancer ang iregular na pagreregla sa mga babaeng may kabigatan ang timbang, pagdurugo o abnormal na discharge sa puwerta lalo sa mga kababaihan na nag-menopause na. Bukod dito, maaari ding magkaroon ng malakas o mahabang pagreregla ang mga babaeng malapit nang mag-menopause.

Payo ni Dr. Malig, kumain nang tama at umiwas sa fast food ang mga kababaihan para hindi tumaas ang kanilang fat at sugar content, at magpakonsulta sa OB-GYN para sa pagsusuri.

Tunghayan ang kuwento ng dalawang kababaihang nagkaroon ng uterine cancer, at kung paano nila ito napagtagumpayan. --FRJ, GMA News