Nagdulot ng kalituhan sa mga Filipino ang magkakasalungat na pahayag ng mga pisyal ng pamahalaan hinggil sa Julian Felipe Reef sa pinag-aagawang mga lugar sa karagatan sa Sparatly Islands sa kalurang bahagi ng Palawan.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque kamakailan na hindi parte ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at malayo sa bansa ang Julian Felipe Reef. Gaano nga ba ito katotoo?

"We were never in possession of that area. And we're making a big thing out of the fact that area naman, in the first place, was never under our possession. So pinalalaki po ang issue. Ang issue po talaga diyan is unang una, fishing... kasi alam mo, ni hindi po 'yan kabahagi ng ating EEZ 'yung Julian Felipe," sabi ni Roque sa isang footage ng PTV4, na mapapanood sa "For the Record" ng Stand For Truth.

Pero ayon sa ulat, taliwas ang sinabi ni Roque sa mga naunang diplomatic protests at statements ng Pilipinas.

Bukod dito, 175 nautical miles ang layo ng Julian Felipe Reef mula sa Bataraza, Palawan, kaya pasok ito sa 200 nautical miles EEZ.

Sa isang tweet, nagbabala si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na huwag pakialaman ang international diplomacy ng sinumang hindi naman bahagi ng Department of Foreign Affairs.

Ilang oras matapos nito, nilinaw ni Roque na pagmamay-ari ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef, at hindi inaabandona ng Pilipinas ang claim dito. —LBG, GMA News