Sa murang edad, naranasan na ng walong-taong-gulang na si Jenny Bagobo na pumasan ng responsibilidad sa pag-aalaga sa apat niyang kapatid matapos magkasakit ang kanilang ina.

Sa programang "On Record," ipinakita ang isang video na kuha noong nakaraang Abril sa San Jose, Camarines Sur, habang nangungutang ng kape at asukal si Jenny sa tindahan.

Ayon sa tindera, kung minsan ay nangungutang din ang bata ng uling at gatas.

Panganay sa limang magkakapatid ang grade 2 pupil na si Jenny.

Kaya naman nang magkasakit ang kanilang ina na si Jewel noong Disyembre, matapos umanong "mabinat" nang magtrabaho agad kahit kakapanganak pa lang, si Jenny na ang nag-aasikaso sa mga kapatid at maging sa nakaratay na ina.

Pinagsasabay ni Jenny ang pag-aaral at pag-aalaga tuwing nasa laot ang kanilang ama.

Si Jenny ang nagpapakain, natitimpla ng gatas at pagpapaligo sa mga kapatid.

Kahit nahihirapan, masaya si Jenny na matulungan ang ina.

Mensahe niya sa ina, magpagaling at ingatan ang sarili.

Nang lumabas sa social media ang kuwento ng pamilya ni Jenny, may mga nagpadala sa kanila ng tulong at pampagamot ni Jewel.

Ngayon, unti-unti nang bumubuti ang pakiramdam ni Jewel, na nais na rin magampanan muli ang tungkulin niya bilang ina.

"Mahal na mahal kita," naiiyak na saad ni Jewel kay Jenny.

"Salamat nakakatulong ka sa akin kahit ganiyan ka palang. I love you," patuloy niya.

Sa mga nais tumulong kina Jenny, maaaring makipag-ugnayan kay Kapitan Emoy Panuelos sa 0946-607-6853.

--FRJ, GMA News