Puwede bang basta na lang basahin ng asawa ang mga ipinapadalang mensahe o messages sa cellphone ng kabiyak, o silipin ang laman nito?
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," may isang nagpadala ng tanong kung mayroon bang karapatan ang isang asawa sa cellphone ng kaniyang kabiyak na tingnan ito gaya ng mga message o picture.
Kasi kung wala raw karapatan ang asawa, parang pinatayan na nito ang kaniyang kabiyak sa sama ng loob.
Sa ibinigay na paliwanag ni Atty. Rowena Daroy Morales, binigyan-diin niya ang kaparatan ng tao sa "privacy." Kahit pa maging sa mag-asawa.
Ginawang halimbawa ni Morales ang kaso ng isang mag-asawa na umabot sa korte ang away nang dahil sa nakitang text message ni misis sa cellphone ng kaniyang mister.
Naligo raw noon ang mister at naiwan nito sa labas ng banyo ang cellphone.
Nang tumunog ang cellphone dahil may natanggap na mensahe, pinindot ito ni misis at nakita ang mensaheng "magkikita ba tayo mamayang gabi."
Dahil sa naturang tanong sa mensahe na hindi buo ang kontesto, pinag-ugatan ito ng away ng mag-asawa na umabot sa korte.
"In the first place, walang karapatan ang isang tao-- kahit ang asawa--na tingnan ang cellphone ng isang tao," ayon kay Morales. "Private [privacy issue] 'yan eh."
Ipinaliwanag pa ni Morales na kahit noong araw, maging ang mga ipinapadalang sulat sa pamamagitan ng koreyo ay hindi puwedeng buksan o basahin ng iba.
Ang naturang sulat ay maaari lamang basahin ng taong pinadalhan ng sulat, batay na rin sa desisyon ng korte.
Ipinaliwanag din ni Morales na hindi tatanggapin ng korte bilang ebidensiya sa kasong pagtataksil ang mga impormasyon na nakuha ng nagrereklamo sa ilegal na paraan, tulad ng paglabag sa privacy ng asawa.
Ipinaalala rin ng abogada ang kahalagahan ng pagbibigay ng mag-asawa ng privacy sa kaniyang kabiyak dahil karapatan ito ng bawat tao.
Panoorin ang buong talakayan sa video ng "Sumbungan ng Bayan."
--FRJ, GMA News
