Ngayong dumadami na naman ang kaso ng nakamamatay na dengue, alamin kung papaano gumawa sa bahay ng panglaban o pangtaboy sa lamok na nagdadala ng dengue virus.

Mula Enero 1 hanggang Hunyo 25 ngayong 2022, nakapagtala na ng mahigit 60,000 na kaso ng dengue sa bansa, o katumbas ng 90% na pagtaas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo" ni Nico Waje, sinabi ng "Queen of Reviews" na si Althea Morales, na gabi-gabi silang nagpapaligsahan ng kaniyang nobyo sa pagpatay ng mga lamok. Hanggang sa nagpasiya silang gumawa na ng mosquito repellant.

Ang ginawa nilang mosquito repellant ay ginamitan lang nila ng tanglad o lemon grass at oregano. Nag-spray si Althea sa iba't ibang parte ng kanilang bahay kaya naging paminsan-minsan na lang ang mga bumibisitang lamok.

Nakatipid din sina Althea sa naturang repellant, na nag-iiwan din ng mabangong amoy na parang nasa spa.

Pero effective ba talaga ang tanglad at oregano na pangtaboy ng lamok?

Ayon kay Dr. Razel Nikka Hao, Director IV ng Disease and Prevention Control Bureau ng Department of Health, na may repellant na carvacrol at linalool ang oregano. Habang ang tanglad naman ay may larvicidal o pamatay ng mga maliliit na itlog ng lamok.

Gayunman, hindi pa raw ganoong klaro o kabigat ang mga ebidensya tungkol sa mga nasabing kemikal. Mayroon ding ineendorsong mga produkto ang Food and Drug Administration na napatunayan nang epektibo laban sa mga lamok.

Panoorin sa video ng "Dapat Alam Mo!" upang malaman kung paano ang paggawa ng mosquito repellant gamit ang oregano at tanglad. --FRJ, GMA News