Kahit nakakatulong, mayroon ding mga masamang naidudulot ang mga gadget at social media lalo na sa ilang kabataan. Tulad ng adiksyon, cyber bullying, online kalaswaan. Ang isang batang lalaki, naospital dahil pagpipigil sa pag-ihi habang gumagamit ng social media.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing madalas na hawak ni "Jepoy," hindi tunay na pangalan, ang kaniyang tablet para sa kaniyang online classes at social media.
"Minsan nakakalimutan na niyang kumain. Kapag inaalok namin na kumain, busog pa raw siya. Tapos siguro kahit naiihi siya pinipigilan niya," ayon sa lola ng bata.
Nang dalhin sa ospital si Jepoy noong Hunyo, natuklasang ilang beses nang nagpipigil sa pag-ihi ang bata dahil sa paggamit ng gadget, na umaabot ng apat na oras kung minsan.
"Sabi niya dalhin daw siya sa doktor kasi ang sakit sakit na ng tiyan niya. Pinadoktor namin, [nalaman] namin na meron na siyang UTI," dagdag pa ng lola ng bata.
Mas nabahala pa ang lola nang makita ang mga tinitingnan ni Jepoy sa social media.
"Bigla kong nakita sa sini-search niya na larawang nakabuhad. Siyempre nagulat ako. Hala sabi ko 'Ano ito?' Sinabi ko sa daddy niya tsaka sa tita niya. Sabi namin 'Sa susunod kapag nakita namin ulit 'yan talagang hindi ka na makakahawak niyan,'" anang lola.
Si Prosy Marañia, hindi pinapagamit ng social media ang kaniyang mga dahil gustong niyang ituon ng mga bata ang pansin sa kanilang pag-aaral.
"Ang daming lumalabas na hindi dapat makita ng bata kaya hindi ko pinapagamit ng cellphone niya," sabi ni Marañia.
Inihain sa Kamara ang House Bill 543 o Social Media Regulation and Protection Act of 2019 na naglalayong limitahan ang paggamit ng mga menor de edad ng social media platforms ng hanggang 30 minuto lang kada araw.
Nais din ng panukala na maprotektahan ang privacy at seguridad ng mga menor de edad. Ipagbabawal din ang mga batang hindi pa 14-anyos na gumamit ng social media.
Mungkahi pa ng panukala na hindi dapat mangolekta ang social media companies ng personal at location information ng mga user na menor de edad nang walang pahintulot.
"I air to the side of no social media for below 13 years old, not even in moderation," pagsang-ayon ni Dr. Maria Caridad Tarroja, child psychologist.
"It will be with the guidance of their parents or a guardian. Hindi puwedeng on their own," pagdagdag ni Tarroja. --Jamil Santos/FRJ, GMA News
