Pagdating sa isang relasyon, hindi mawawala sa isang mag-asawa o mag-partner ang pakikipagtalik o sex. Ngunit dapat nga bang maging "icing on the cake" lang ito sa relasyon dahil may iba pang mas mahalagang bagay na dapat pangalagaan?

"Itong sex kasi, itong sexual penetration or sexual intimacy, gusto ko i-analogize na siya ay 'icing on the cake,'" sabi ng sex therapist na si Dr. Randy Dellosa sa podcast na "Share Ko Lang."

Natalakay ang usapin sa sex dahil na rin sa tanong kung "size does matter" sa mga kalalakihan pagdating sa pakikipagtalik. May iba rin na iniuugnay ang sukat ng pribadong bahagi ng katawan para sa kanilang pagiging lalaki.

Batay umano sa kinalap na impormasyon ng UK online pharmacy na Mars sa 86 na bansa, pang 84 ang mga Pinoy pagdating sa sukat ng maselang bahagi ng katawan ng lalaki.

Ang mga Pinoy, nasa 4.27 inches umano ang average size kapag "galit." Habang ang Taiwan daw ang pinakamaliit sa sukat na 4.24 inches.

Ang itinuturing  na "pinagpala" sa laki ng maselang bahagi ng katawan batay sa naturang pag-aaral, ang mga lalaki sa Ecuador na ang average size daw ay 6.93 inches.

Ayon kay Dr. Dellosa, pinakamahalaga sa mga couple na pangalagaan ang kanilang relasyon, at huwag lang isentro sa sex.

"You can survive without the icing basta masarap ‘yung cake. Pero of course if there is icing, its better, pero without it, nandoon naman ‘yung basic na masarap na cake mismo," paliwanag niya.

Binanggit niya ang usapin tungkol sa responsibility at loyalty.

"Loyalty is a sexual attractive factor and of course you know, friendship nga, passion, same interest. Lahat ng ingredients ng good relationship ay dapat nandoon and I want to tell males na sa totoo lang kung mahal ka ng babae kahit anong size pa ng penis mo, mamahalin ka," ayon sa duktor.

Kaya naman hindi raw dapat mag-alala kung hindi perpekto ang "icing" o pakikipagtalik pagdating sa mag-partner.

"Masarap naman ‘yung cake e. The cake is friendship ‘di ba? Ano pa? Similar interests. 'O let’s do things together.' Ito pa, liking each other. You know sa totoo lang, it's not about really love e, it's not how much 'I love you' but how much you like each other," sabi ni Dr. Dellosa.

"Because if you like each other, the friendship will strengthen and doon magiging forever ang relationship, because you are friends for keeps," dagdag pa niya.

Tunghayan ang buong panayam ni Dr. Anna Tuazon kay Dr. Dellosa kung "size matters" pagdating sa mga lalaki, at kung paano sila makababawi kung hindi kalakihan ang kanilang "pagkalalaki."

Pero paalala lang, sensitibo ang paksa at dapat na ituring na usapang pangmatanda. Panoorin.—FRJ, GMA News