Ipinakita ng isang lalaki na higit pa sa magkadugo ang pagmamahal niya sa taong umampon sa kaniya at tumayong ama nang ma-stroke ito at magka-COVID-19.

Sa "Good News," sinabing nag-viral ang mga video ng araw-araw na pag-aalaga ni RM Capillas sa 71-anyos niyang ama-amahan na si Tatay Avelino, na maaaring maging paralisado kung hindi maaalagaan nang husto.

"Narinig ko na may kumalabog. Akala ko that time na may nahulog lang sa lamesa. Noong paglabas ko ng kuwarto, nakita ko na siya sa sahig, nakahiga. Hindi na siya gumagalaw. Hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko noon," kuwento ni RM.

Napag-alaman na bata pa lamang si RM nang ampunin siya ni Tatay Avelino.

Unang iniwan si RM sa kaibigan ng kaniyang ina, na hindi na nakilala pa ng binata. Ngunit dahil walang sapat na pera ang kaibigan ng kaniyang ina, inilapit na lamang si RM kay Tatay Avelino.

Hindi naman nag-alinlangan si Tatay Avelino na tanggapin si RM.

"Kinuha ko, naawa ako, payat eh. Matalino," sabi ni Tatay Avelino.

Hindi lang si RM ang kinupkop ni Tatay Avelino. Bago nito, naging ama-amahan na rin si Tatay Avelino sa kaniyang mga pamangkin.

"Noong una hirap akong unawain at tanggapin na adopted lang ako. Eventually, na-realize ko na napakasuwerte ko pala dahil may taong kumupkop, nag-aruga at nagparamdam sa akin ng pagmamahal," sabi ni RM.

Nang dalhin sa ospital, natuklasang bukod sa stroke, may COVID-19 din si Tatay Avelino. Dahil dito, agad na nagpaalam si RM na hindi muna siya makapapasok sa trabaho.

Kalaunan, nakauwi rin sa bahay si Tatay Avelino, at ipinagpatuloy ni RM ang pag-aalaga at pagbabantay sa ama. Si RM ang nagsilbing kamay at paa ng kaniyang tatay-tatayan noong mga panahong hirap siyang kumilos at nakaratay.

"Naisip ko po kasi na ito 'yung tamang panahon para naman may mag-alaga sa kaniya, gaya ng pag-aalaga niya sa akin. Na-realize ko rin, 'yung trabaho, andiyan lang 'yan, kaya ko namang maghanap ng ibang trabaho once na naka-recover na si Papa. Pero ang magulang, once na nawala sila, hindi na sila mapapalitan," sabi ni RM.

Dahil sa pag-aalaga ni RM, nagkaroon ng inspirasyon si Tatay Avelino para magpagaling at maibalik ang dati niyang lakas.

Tunghayan sa Good News ang nakaaantig na sorpresa ng mga dati ring inalagaan ni Tatay Avelino, at ang magandang balita ng mga dating katrabaho ni RM sa kaniya. Panoorin ang video at ma-inspire sa kanilang kuwento.--FRJ, GMA News