Hindi regular ang buwanang dalaw o menstruation ang isang 28-anyos na babae. Pero nakaranas siya ng pananakit ng puson na tila dismenoriya at lumalaki rin ang kaniyang tiyan. Nang magpasuri sa duktor, natuklasan na may bukol siya sa obaryo.

Sa programang “Pinoy MD,” ibinahagi ni Hannah Elli Santos, na napansin niya ang paglaki ng kaniyang tiyan at pagtigil ng kaniyang regla.

“Wala akong isip na mabubuntis ako. Hindi ako sexually active. ‘Yung pinaka-why ko lang talaga is kung mayroong problem ang ovary ko,” saad niya.

“’Yung irregularities ng menstruation ko, minsan tumatagal ng 4 months, 3 months. Walang dumarating,” dagdag pa niya.

Inihayag din ni Hannah na pangarap niyang magkaroon ng anak balang araw. Pero sa halip na sanggol, bukol o cyst ang nabuo sa kaniyang obaryo.

“Three germ layers ang nag-form sa kaniya. So kapag ang dermoid cyst na tinatawag siya ‘yung benign o non-cancerous. Mature ang nabubuo so ang nakikita natin ay hair, teeth, skin at sebum o sebaceous gland,” ayon kay Dr. Hannah Maclang-Soliman, na isang obstetrician-gynecologist.

“Tinatawag siyang primordial cells. Mag-differentiate sila eventually into different types of body parts. Like mature parts na katulad ng hair. Hindi lang sila nag-stay as small cells,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa doktora, in-born daw ang dermoid cyst. Ibig sabihin, taglay na ito ng babae simula nang maipanganak. Mananatili ito sa obaryo pero mabagal ang paglaki.

“Since in-born siya, hindi siya cause by lifestyle ‘yung dermoid cyst. Talagang slowly growing lang talaga siya. It’s a sign na benign ‘yung cyst unlike kunwari hindi siya well-formed ng mga ganoong bagay. Most likely kasi cancerous ‘yun,” paliwanag pa ni Maclang-Soliman.

Mararamdaman lang daw ang ganitong uri ng cyst kapag malaki na.

“’Yung lumala na ang menstrual cramps ko, masakit na, umiiyak ako hindi makatayo, tapos alam mo ‘yung pinapawisan ka nang malamig,” saad ni Hannah.

Pero hindi lang daw basta parang dismenoriya ang naramdaman niya.

Paliwanag ni Dr. Maclang-Soliman, bukod sa abdominal pain,  maaaring may makapa na bukol ang babae kung kabisado niya ang kaniyang katawan.

Mas madalas daw itong mangyari sa mga babaeng 13-anyos pataas.

“Nag-stimulate ng hormones sa release sa body so kung mas bata, mas active ‘yun. Siyempre kung menopause na, natigil na ang ganoong hormones," sabi ng doktora.

Mayroon naman umanong cyst na physiological o kusang nawawala. Hindi naman daw ito nakukuha sa kinakain at lifestyle. Subalit kailangang umiwas sa carcinogenic food gaya ng may mga preservative, mga de lata at sunog na parte ng inihaw.

Isinailalim sa operasyon si Hannah at nakuha sa kaniyang ang cyst sa obaryo na may laki na 8.5 centimeters.

Ngunit kailangan na ring tanggalin ang kaliwang obaryo niya dahil sa impeksyon.

“’Yun ang wino-worry ko, less chances ba na mabuntis kung tatanggalin ang left ovary o kung pwedeng i-save pa. Sabi ng doktor, kailangan na raw siya tanggalin,” anang dalaga.

Bumuti naman ang kalagayan ni Hannah nang matagal ang cyst. Pero matapos ang anim na buwan, ang kanang obaryo naman niya ang nakitaan ng cyst.

“Maliit palang siya that time so ang maganda ngayon parang mape-prepare ko ang sarili ko kasi since maliit pa lang siya, puwede naman hindi pa tanggalin,” saad niya.

Pero pagkalipas ng isang taon, lumubo na bukol sa 8 centimeters, at kinailangan na muli siyang operahan.

Sumailalim si Hannah sa Laparoscopy o isang surgical procedure na hindi na kailangang gumawa ng malaking hiwa sa balat ng pasyente.

Payo naman ni Dr. Maclang-Soliman, “Maging conscious tayo sa body natin. Baka mamaya akala natin tumataba lang ‘yun pala mayroon nang bukol sa loob. Have your regular checkup with your obgyn.” --FRJ, GMA Integrated News