Nagbahagi ang kilalang Tiktoker at TNVS driver na si Marlon Fuentes ng ilang impormasyon tungkol sa kaniyang kondisyon na Tourette Syndrome. Aniya, anim na taong gulang lang siya nang mapansin ang sintomas ng sakit na nagsimula sa pagpikit-pikit ng kaniyang mga mata.
Ibinahagi ni Marlos ang mga impormasyon nang sumalang siya sa segment na "Sa Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" nitong Miyerkoles, kung saan kasama niya ang iba pang Persons with Disabilities (PWD) na nagtatrabaho.
Ang Tourette Syndrome ay isang kondisyon sa nervous system na nagdudulot ng tics o hindi mapigilang paggalaw ng bahagi ng katawan.
"Papikit-pikit lang po ako noong una. Habang lumalaki ako dumadami na 'yung tics. Siguro dahil sa dami ng ginagawa na rin, doon na nadagdagan 'yung mga tics," kuwento ni Marlon.
"Mawawala 'yung sa leeg, 'yung sa balikat. Kapag nawala, may papalit na iba. Hanggang sa noong lumaki na ako, nagsabay-sabay na sila," pagpapatuloy niya.
Pero ano nga ba ang pakiramdam ng isang may Tourette Syndrome?
"May mga part na parang nangangalay ka, gusto mo siyang galawin. Or parang 'yung tipong may makati sa iyo na gusto mong kamutin. Puwede mong hindi kamutin pero hindi ka kumportable. Kaya mas kumportable ka kung igagalaw mo siya," pagbahagi niya.
Nati-trigger ang tics kapag sobrang pagod o stressed siya. Kaya may mga pagkakataon na nawawala ito kapag napapahinga o relax ang kaniyang katawan.
May mga pagkakataon din umano na nahahampas ng ibang may Tourette Syndrome ang mga parte ng kanilang katawan.
"Sa akin may time na nahahampas ko 'yung hita ko, minsan 'yung sa ulo ko, pero hindi siya madalas, hindi siya ganu'n ka-grabe talaga," pagbabahagi ni Marlon.
Ayon kay Marlon, wala pa siyang nasaktan na ibang tao dahil sa kaniyang kondisyon. Bukod dito, hindi pa siya naaksidente habang nagmamaneho o naghahatid ng pasahero.
"'Yun nga lang po, siyempre may mga pasahero, hindi sila pamilyar, nandu'n pa rin 'yung takot sa kanila," sabi ni Marlon.
Sa ngayon, sinabi ni Marlon na pa siyang alam na naiimbentong gamot para sa Tourette Syndrome. Pero may mga gamot na nakatutulong para mabawasan ang tics.
Pero nawawala pa ang tics kapag nakakainom siya?
Sagot ni Marlon, "Pag siguro medyo may [epekto] na 'yung tama [ng alak]."
Pero paglilinaw niya, posibleng maging iba rin ang reaksyon ng alak sa iba pang may Tourette Syndrome kapag nakainom.
Bilang isang Tiktoker, dinodokumento ni Marlon ang mga biyahe niya kasama ang kaniyang mga pasahero.
"Shini-share ko rin sa iba, kumbaga awareness sa mga hindi nakakaalam sa iyo," sabi ni Marlon.
"Kaya naming gawin, nagagawa namin," sabi niya tungkol sa kaniyang trabaho.-- FRJ, GMA Integrated News
