Dumulog sa programang “Sumbungan ng Bayan” ang isang babae matapos umano siyang ipahiya online ng kaniyang kaibigan nang hindi siya regular na makapagbayad sa kaniyang inutang. Ano nga ba ang nakasaad sa batas patungkol sa interes o tubo sa utang, at anong legal na hakbang ang puwedeng gawin ng babae sa ganitong sitwasyon? Alamin.

Ayon sa babae na itinago sa pangalang "Mae," nangutang siya sa isang kaibigan ng halagang P27,000 noong nakaraang taon pero aabot sa P39,000 ang kailangan niyang bayaran dahil sa interest o tubo.

“Nanghiram po ako sa kaibigan ko ng pera, ‘yung tinatawag na 'benta-sahod' worth P27,000 at may agreement kami need ibalik ang pera sa December 13, 17, and 21. Ang ibabalik ko ay P39,000 kasama ang tubo,” pagbabahagi niya sa kaniyang liham.

Pero sa tuwing hindi raw siya nakakapagbayad sa tamang oras, sinabi ni Mae na minumura umano siya at dinadamay ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng mga post sa social media.

“Hindi ko po siya naibalik on time pero nakahulog ako kahit papaano. Ang ginawa po nila ay ipinahiya ako sa social media. Ipinost po ako at minura-mura at pati pamilya ko po dinamay na,” sambit niya.

Aniya pa, nakapagbayad na raw siya ng P11,000 sa kaniyang utang.

“Pero dahil hindi ako nakakabayad on time kinalat niya po ang lahat ng video at agreement namin sa mga kakilala ko at sinisiraan niya po ako sa mga friend ko,” dagdag pa ng babae.

Ayon kay Atty. Stephen Cascolan, kailangan munang linawin kung may written agreement sila Mae at kaniyang inutangan, at kung ano ang nakasaad dito.

“Ang naintindihan natin du’n may binigay na pera sa kaniya, ang pinangako niyang pambayad ‘yung parating na sahod o kung ilang sahod man ‘yun, parang ganun,” paliwanag ni Cascolan.

“So ang pinaka-basic sa usapang utang, usapang kontrata. Kontrata sa umuutang at nagpapautang, ‘yun ang pinaka-basic diyan,” dagdag pa niya.

“Ang kontrata alam naman natin sa Civil Code usually nakasulat. Tapos sa nakasulat na kontrata nandoon na rin kung may penalty, kailan babayaran, at kung hindi mabayaran ‘yung penalty so ‘yung interes at utang mismo ano ‘yung mga next steps ng nagpautang. So hindi ito malinaw sa ngayon,” sambit pa abogado. 

Pero tama ba ang laki ng interes sa utang ni Mae?

Sabi ni Cascolan, may itinakda ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Securities and Exchange Commission ukol sa maximum interest at penalty para sa mga lending o financing companies.

“So noong 2019, sinabi nila na ang monthly na maximum interest rate 6% tapos ang penalty kung ma-late ka magbayad doon sa 6% o sa anoman pinagkasunduang payment ay 5%,” sambit niya.

“Dati kasi may usury law na-lift ‘yung effectivity niya na hindi muna puwedeng magbigay ng limit kung magkasundo tayo na uutang ako ng piso ang interes ay isang bilyon, hindi bawal noon. Pero ngayon mayroon ng limit,” dagdag pa niya.

Pero paano kung napirmahan ang kontrata sa utang bago ang 2019?

“May mga bawal na eh. Valid ang contract kasi may criminal aspect na eh. ‘yung pinasang bagong regulation, ‘yung gagawin mo tungkol sa contract na napirmahan bago ang mga regulations na ‘to mayroon ng criminal penalties na siya eh,” paliwanag ng abogado.

“So valid ang contract pero mag-apply sa inyong lahat ang penalty kapag ginawa niya ‘yung mga pinagbabawal. So kahit na lumang kontrata ito ang penalties ay maga-apply,” aniya pa.

Pero nilinaw ni Cascolan na problema pa rin sa Pilipinas ang mga kontrata sa utang dahil kadalasan hindi naman sa lending of financing companies nangungutang ang karamihan.

“Uso sa atin ‘yung mga kaibigan, tropa, officemate, na ‘yung kilala lang ng nagpautang pero hindi rehistradong negosyo. ‘Yun ang pinaka-common sa atin,” ani abogado.

“Kaya ‘yung pinag-usapan nating regulation kanina hindi talaga nag-apply sa kanila. Hindi naman sila puwedeng bigyan ng fine sa SEC, wala naman sila sa SEC hindi naman sila rehistrado. So ‘yun ang malaking butas natin sa ngayon,” dagdag pa niya.

Gayunman, makatarungan ba ang ipinataw na interes sa utang ni Mae?

“Para sa akin kasi kapag pumayag at hindi naman ilegal walang usaping makatarungan o hindi kasi may consent eh. Pumayag ‘yung humiram eh,” giit ni Cascolan.

“Kasi kung ayaw mo ‘yung interes na ‘yun huwag mo na lang sana itinuloy ang paghiram mo ng pera, ganoon lang naman ‘yun. To be fair doon sa taong nagpahiram naman. Kung makatarungan? Makatarungan para sa akin,” dagdag pa niya.

Ano naman ang masasabi ni Cascolan tungkol sa paraan ng pangongolekta ng utang na inirereklamo ni Mae? Ano-ano ang puwedeng kaharaping kaso ng nagpautang sa paraan ng pamamahiya umano sa social media? Panoorin ang buong talakayan sa video ng “Sumbungan ng Bayan.” --FRJ, GMA Integrated News