Bunso sa limang magkakapatid ang 19-anyos na dalaga na itinago sa pangalang Mia. Ayon sa kaniyang ina, mahiyain at mabait ang kaniyang anak na pangarap noon na maging duktor. Pero nang maging 16-anyos ito, napansin ng ina na unti-unting pagbabago sa ugali niya, at naging bayolente.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing sa taas ng kabundukan ng Sitio Papayo, Bagulin, La Union, makikita ang isang tila kubo na gawa sa kahoy kung saan mahigit isang taon nang nakakulong si Mia.

Ang sikat ng araw, tumatagos lang sa loob ng kulungan sa pamamagitan ng maliliit na pagitan ng dingding at sa maliit na butas kung saan idinadaan ang kaniyang pagkain, at ilang gamit na kailangan.

Hiwalay na ang mga magulang ni Mia, at nagtatrabaho naman sa La Trinidad ang kaniyang ina na si Delia. Kaya ang mga tiyahin at iba pang kamag-anak ang nag-aalaga kay Mia.

Masakit man sa kanilang kalooban na ikulong si Mia, wala raw silang magawa dahil sa takot nila na saktan sila nito, pati ang ibang residente sa lugar, at maging ang sarili ni Mia.

Sa loob na rin ng kubo naliligo si Mia, at idinadaan rin lang sa maliit na butas ang kaniyang pagkain. Ang ilang piraso ng mga gamit sa pagkain gaya baso at pinggan, makikitang itinatapon at sinisira ni Mia.

Nang umuwi si Delia mula sa trabaho, naiyak siya sa kalagayan ng kaniyang bunso. Aniya, naisama pa niya noon sa Baguio si Mia.

Pero noong 16-anyos na ang kaniyang anak, napansin daw ni Delia na nagbabago ang ugali ng anak. Hindi na ito nag-aaral, hindi natutulog, at sinasaktan na rin siya, at maging ang sarili nito.

Nang ipakonsulta nila si Mia sa espesyalista, napag-alaman na mayroon siyang paranoid schizophrenia.

May inamin din umano ang dalaga tungkol sa isang lalaki na pinaniniwalaan nila na dahilan kung bakit nagkaganoon si Mia.

At nang iuwi sa Bagulin si Mia, lumala pa ang kaniyang pagiging bayolente hanggang sa hindi na nila ito mabigyan ng gamot.

Para hindi makapanakit ng ibang tao, at pati na ang kaniyang sarili, nagpasya na ang mga magkakaanak na ilagay na lang si Mia sa kulungan kung saan doon na umikot ang kaniyang mundo sa loob ng mahigit isang taon.

Ayon sa rural health unit ng Bagulin, dumami ang may kaso ng mental health sa kanilang lugar sa nakaraang dalawang taon ng pandemya.

Ngunit walang sariling mental health facility ang La Union, kaya kailangang dalhin sa Baguio General Hospital ang mga pasyente na anim na oras ang layo mula sa Bagulin.

At noong Miyerkules, umakyat ang lokal na pamahalaan ng Bagulin sa Sitio para sagipin si Mia. 

Matapos ang mahigit isang taon, muling nakalabas ng kulungan at nasikatan ng araw ang dalaga. Isang masaya at mahinahong Mia rin ang nasilayan, at kusang-loob pa na sumama sa medical unit upang maipasuri siya.

Tunghayan ang buong kuwento ni Mia sa video at ang pag-asang muling maibalik ang kaniyang isipan sa normal na mundo na kaniyang ginagalaw. --FRJ, GMA Integrated News