Bago pa mauso ang internet at social media, mistulang mga heartthrob na inaabangan at sinasalubong ng mga taong naghihintay ng sulat ang mga kartero ng post office.

Sa video ng Public Affairs Exclusives mula sa dokumentaryo ni Atom Araullo sa "i-Witness," isa si Tatay Hermie Quiambao, kartero sa bayan ng Macabebe, Pampanga, sa mga saksi kung paano binago ng modernong teknolohiya ang paraan ng ugnayan ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat sa koreyo.

Tumagal na si Quiambao sa pagiging karte sa loob ng 26 na taon. Sa post office sa Macabebe, siya na lamang ang natitirang regular na kawani sa kanilang opisina.

Ngayon, kalimitan na mga sulat na lang na galing sa gobyerno, bangko at korte ang kaniyang inihahatid sa mga bahay-bahay, kaiba raw noong kalakasan pa ng tinatawag na "snail mails."

"Sila mismo [mga tao] ang sasalubong. Sasalubong sa'yo, maghihintay sa kalsada 'yan. 'Kapag sumulat yung mister ko galing Saudi, ibigay mo agad,,'" pagbabalik-tanaw ni Quiambao sa paalala sa kaniya ng hinahatiran niya ng sulat noon.

"Kahit yung nagpapadala ng pictures wala na. 'Di ba dati magpapadala 'yan makapal na ganyan. Ngayon wala na, nakikita na sa Facebook [ang mga litrato]," patuloy niya.

Dahil sa pagkabawas ng mga nagpapadala ng sulat na gumagamit ng post office. Naapektuhan na rin ang mga trabahador na katulad niya.

Sa bayan ng Macabebe, nag-iisang regular employee ng post office si Quiambao. Pero hindi lang pagiging kartero ang kaniyang ginagawa sa umaga, ginagampanan din niya ang trabaho ng postmaster sa hapon.

Pero ang kaniyang sinasahod, para lang sa pagiging kartero na P19,000 kada buwan.

"Ang totoo po niyan, yung suweldo ko wala na akong naiaabot kay misis. Pambayad po sa kuryente, pambayad sa tubig, pambayad sa internet," pahayag niya.

Kaya pag-uwi niya sa bahay, magluluto pa siya ng kalamay na kanilang ibebenta bilang dagdag na kita.

"Yung iba sinasabi nila sa akin, 'Mabuti ka pa mayroong kang sideline.' Pero kung minsan binibiro ko sila, 'hindi sideline 'yan, mas malaki ang kita riyan, mahirap lang.' Ang pinaka-sideline ko yung post office. Sabi ko baligtad," nakangiti niyang kuwento.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi raw maiwan ni Quiambao ang kaniyang pagiging kartero dahil nakatatak na umano sa kaniyang puso ang pagseserbisyo, at pagmamahal niya sa post office.--FRJ, GMA Integrated News