Katuwang ang kaniyang asawa, sumabak sa negosyo ang isang lalaki na kung anu-ano nang trabaho ang pinasukan noon gaya ng pagiging waiter at dishwasher. Ang puhunan sa kanilang negosyo, ipinangutang lang nila na naging problema ang interes o tubo.

Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ng mag-asawang Pauline at Kenny Tiu, ang mga pinagdaanan nila bago nila nakamit ang tagumpay sa negosyo nilang Bake N Brew sa Sta. Ana, Maynila.

Parehong nagtapos ng kursong hotel and restaurant management ang mag-asawa na pareho ring mahilig sa pagkain.

Si Kenny, iba't ibang trabaho na ang pinasok tulad ng pagiging promodiser, dishwasher, naging waiter din, hanggang sa ma-promote bilang supervisor at manager sa restaurant.

Noong 2018, naisipan na ng mag-asawa na subukan ang negosyong pagkain sa pamamagitan ng paglalako ng lugaw, shawarma, at pares. Pero gaya ng ibang kuwento sa pagnenegosyo, hindi naging madali ang lahat lalo nang dumating ang pandemic.

Noong nakaraang taon, nag-isip muli sila ng negosyo tungkol sa pagkain na Baked N Brew. Pero kakailanganin nila ng malaki-laking kapital na P300,000.

Kaya ang kanilang ipon, sinamahan nila ng pag-utang na hindi nila inakala na magdudulot ng malaking pagsubok sa kanila dahil sa malaking interes o tubo.

Pag-amin ng mag-asawa, may pagkakataon noon na sumasablay sila sa pagbabayad at tanging interes lang ang kanilang nababayaran.

Pero hindi basta-basta sumuko ang mag-asawa. Lalo pa nilang sinipagan ang pagtatrabaho hanggang sa unti-unting dinagsa na ang kanilang mga produkto--lalo na ang overload na frappe.

Bukod sa iba't ibang drinks, mayroon din silang mga pasta, waffle, rice bowl na abot-kaya ang halaga.

Kaya kahit hindi kalakihan ang puwesto ng kanilang kainan, hindi sila dapat ismolin dahil kumita na raw ito ng P100,000.00 hanggang P200,000.00 bawat buwan.

"Gusto namin patok sa masa. Hindi namin masyadong ini-aim na kailangan mahal kami, o kailangan makilala kami bilang mahal na kainan," sabi ni Kenny.

Ayon kay Pauline, nagsasagawa sila ng taste test sa kanilang mga iniaalok na produkto at hindi nila tinitipid ang sangkap ng mga ito.

Ang negosyo nila, lalo raw tinangkilik ng mga tao nang magpost na sila ng produkto online. May freebies at loyalty card pa sila sa kanilang mga tapat customer.

Pero hindi lang mga customer ang pinapahalagahan ng mag-asawa kung hindi maging ang kanilang mga tauhan.

Ngayon, nakabili na sila ng family insurance, at mga sasakyan na pinaparentahan. Balak din nilang magkaroon ng branch at franchise balang araw.

Payo ni Kenny sa ibang nagbabalak na magnegosyo, "Huwag kayong susuko. Kasi sabi nga nila kapag may tiyaga may nilaga. Maraming challenges, maraming downfall pero after those downfalls, nandyan yung aangat ka talaga."

Sabi naman ni Pauline, "Sa lahat ng gagawin mo, sa lahat ng decision making pray talaga. Follow mo lang yung dreams mo, may mga pagkakataon na madadapa ka, okey lang na madapa ka ang mahalaga bumangon ka."

--FRJ, GMA Integrated News