Ngayong sobrang init ng panahon, may tatlong lugar na malapit lang sa Metro Manila na maaaring pasyalan at magtampisaw sa malamig na tubig sa ilog. Alamin kung saan ito.
Tatlong oras mula sa Quezon City, mararating ang Paglitaw Natural Pool sa Tanay, Rizal, na ayon sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," palaisipan sa mga residente ang naging paglitaw ng malamig na tubig.
Ang malamig na tubig na pinapaniwalaang sa bundok galing, pinaagos sa ginawang mga pool. Pero bukod sa pagtatampisaw sa tubig, mare-relax ang isipan sa ganda ng tanawin at instagramable ang mga rock formation.
Taong 2014 raw nang pagandahin at buksan sa publiko ang lugar nang makita ang potensiyal nito sa turismo.
Halos tatlong oras din mula sa Metro Manila, mararating naman ang Tala River Park sa Bailen, Cavite.
May 10 minuto ang kailangang lakarin bago marating ang malamig na tubig sa ilog. Dinadayo na ngayon ito dahil sa mga trending photo sa social media ng mga pumasyal at hindi inakalang mayroon ganoong paliguan sa lugar.
Taong 1996 pa binuksan ang ilog para sa turismo, at inayos ito para mas maging kaiga-igaya sa mga papasyal. Ang inilagay na sementadong tulay, nagmukhang mini water falls at puwede pangmasahe.
May ginawa rin dito na mga man-made pool.
Sa katabi nitong lalawigan sa Laguna, makikita naman sa bayan ng Magdalena ang Balanac Dam, na pinupuntahan din ng mga nais magbabad sa malamig na tubig na naggagaling sa Mt. Banahaw.
Ang isa sa mga mahilig gawin ng mga naliligo rito, ang magpadulas sa tubig.
May mga tindahan sa lugar na puwedeng bumili ng pagkain, at mga kubo na puwedeng rentahan sa halagang P300 hanggang P500.
Pero paglilinaw ng lokal na pamahalaan, hindi nila hinihikayat ang pagliligo sa dam dahil may bahagi rito na peligroso at may mga nakaaksidente na. -- FRJ, GMA Integrated
