Maraming kuwento tungkol sa mga Pinay na nagtrabaho bilang entertainer sa club sa Olongapo ang nagkakaroon ng nobyong Amerikanong sundalo pero nauuwi sa hiwalayan. Pero ibahin ang love story nina Yolly at Joe dahil pagkaraan ng halos 50 taon, nagkaroon muli sila ng komunikasyon, nagkita, at nabigyan ng second chance ang kanilang pagmamahalan.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing taong 1972 nang magkakilala sa isang club sa Olongapo ang noo'y 16-anyos lang na Pinay entertainer na si Yolly Santiago, at ang binatang Amerikanong sundalo na si Joe Sullenger.

Ayon kay Yolly, ang makipag-usap sa mga kostumer ang naging trabaho niya sa club. Habang si Joe, American serviceman sa Naval base ng US na mayroon pa noon sa Subic.

Tuwing nagpupunta si Joe sa club, si Yolly raw ang lagi nitong hinahanap at gustong maka-table o makasama.

Bukod sa guwapo, inilarawan ni Yolly si Joe na mabait, tahimik, at maginoo.

Hanggang sa inaya na ni Joe si Yolly na mag-date at mamasyal. Binabayaran ni Joe ang mga oras na hindi nakakapasok sa club si Yolly dahil kasama niya ang dalaga.

Nang mga panahon iyon, napansin na ni Yolly na may pagtingin na sa kaniya si Joe. Si Yolly naman, trabaho lang ang lahat para sa kaniya noong una pero unti-unti na ring nahulog ang loob niya sa dayuhan.

"Masaya akong magkasama kami," sabi ni Yolly.

Iyon nga lang, hindi malinaw kung ano ba talaga ang tawag kanilang relasyon.

"Walang official na pinag-usapan na tayo na ba?," ani Yolly, bagaman gusto raw nila ni Joe ang isa't isa.

Pero ang dalawang taon na matamis na pagtitinginan ng entertainer sa club at sundalong Amerikano, naputol nang madestino na si Joe sa Japan.

Dahil sulat lang ang paraan ng komunikasyon noon, hinihinala ni Yolly na may mga sulat siya na hindi natatanggap ni Joe, maaaring ganoon din siya.

Nang mawala si Joe, nagpatuloy si Yolly sa kaniyang pagtatrabaho sa club.

Hanggang sa makilala niya ang Pinoy na si Alfredo na kaniyang naging asawa, at ama ng pito niyang anak.

Gayunman, nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang pagsasama. At kahit nagkaroon na ng pamilya, hindi pa rin pala nawala sa isip ni Yolly ang unang lalaki na kaniyang minahal-- si Joe.

Hinanakit ni Joe

Si Joe, napag-alaman na naninirahan ngayon sa Darlington, Missouri. Nagkaroon din siya ng sariling pamilya pero nagkahiwalay din sila ng kaniyang asawa.

At kahit halos limang dekada na ang nakararaan, sariwa pa rin sa alaala niya ang mukha ni Yolly, ang babaeng itinuturing niyang first love.

Kuwento ni Joe, binalak niyang alukin ng kasal si Yolly nang madestino siya sa Japan . Pero hindi niya ito itinuloy nang matigil ang pagtanggp niya ng combat pay.

"People at that time was very poor. I always thought about if we got married I don't know how we would survive," ani Joe.

Hindi rin daw niyang kinaya nang makatanggap siya ng sulat mula kay Yolly, at sinabi nito na mayroon na siyang anak.

Sumulat raw siya kay Yolly at mayroon siyang mga tanong. Pero hindi na raw sumagot sa kaniya si Yolly.

At magmula noon, hindi na siya nakatanggap pa ng balita tungkol kay Yolly.

Second chance

Hanggang sa nitong 2018, muling nagkaroon ng komunikasyon ang dalawa nang hanapin ni Yolly sa Facebook si Joe. Nang panahon na iyon, kamamatay lang ng asawa ni Joe.

Sa loob ng siyam na buwan, walang tigil sa palitan ng chat ang dalawa, na nauwi na sa ligawan. At noong 2019, pumunta ng Pilipinas si Joe para makita si Yolly.

Pero habang nasa Pilipinas, tila nawalan ng pag-asa si Yolly na madudugtungan ang naudlot nilang pagmamahalan ni Joe dahil inusisa nito ang pagiging kasal na ni Yolly sa unang asawa.

Ang hindi alam ni Yolly, magpo-propose pala si Joe sa kaniya nang bumalik na ito sa Amerika. Nang makuha ang basbas ng mga anak, pinayagan si Yolly na magtungo sa Amerika noong March 2020.

Ngunit naudlot ang kaniyang paglipad dahil sa COVID-19 pandemic at magkaroon na ng lockdown. Pagkaraan ng isang taon, natuloy na ang biyahe ni Yolly noong 2021, at nakasama na niyang muli si Joe.

At nitong nakaraang taon, pinakasalan ng dating sundalong Kano, ang dating Pinay entertainer sa club sa Olongapo.

"I didn't consider her low. I been in ports all over the world and there are women working in bars everywhere and they just trying to make a living," sabi ni Joe tungkol sa naging trabaho noon ni Yolly.

Pangako naman ni Yolly kay Joe, "I'll be here with you till the end."

Tunghayan sa video ng "KMJS" ang wagas na love story nina Yolly at Joe. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News