Arestado ang isang off-duty na pulis matapos siyang maghamon umano ng away, at tutukan pa ng baril ang isang menor de edad na parking attendant sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV footage na nagmamadaling maglakad ang parking attendant na si alyas “Ash” sa Barangay 398 pasado 8 p.m. nitong Martes.
Ilang saglit pa, sumunod sa kaniya ang isa pang lalaking naka-hoodie na naglabas umano ng baril at itinutok sa parking attendant, ayon sa pulisya.
Dahil dito, nagmadaling lumayo mula sa lalaking naka-hoodie ang parking attendant hanggang sa may nakita siyang mga pulis, at humingi siya ng tulong.
Lumapit ang mga tauhan ng Barbosa Police Station at inaresto ang lalaking naka-hoodie na natuklasan kinalaunan na pulis din pala.
Sa police station, doon nalaman na na may ranggong patrolman ang pulis na dinakip at nakatalaga sa Southern Police District.
Nakumpiska sa lalaki ang isang 9 mm na baril na may 13 bala.
Sinabi ng isang saksi na bago ang panunutok ng baril, uminom sa isang bar ang 31-anyos na suspek kasama ang tatlong iba pa madaling araw ng Martes.
Itinago ng ilang nagmagandang-loob na parking attendant ang helmet ng pulis para hindi umano mawala.
Pagkatapos ng inuman, naghamon umano ng away ang suspek sa mga tao na nasa labas ng bar, bago niya nilapitan umano ang menor de edad na parking attendant.
“Dinibdiban po siya, tapos nag-aamok po ng gulo, ‘Sino ba ang matikas?’ Hindi naman po siya pinapansin, bigla na lang daw po siyang lumapit, nag-aamok daw po,” sabi ng isang saksi.
Umalis umano noon ang pulis at bumalik kinagabihan upang kunin ang kaniyang helmet na inakala niyang ninakaw.
Doon na naganap ang panunutok ng baril at pagbabanta umano niya sa biktima.
“Kami naman po, naghahanapbuhay lang naman kami niyan… Hindi porke’t nakainom kayo, gagamitin niyo na ‘yung tsapa niyo,” sabi ng isang saksi.
Sinabi ng tanod sa Barangay 398 na residente nila ang biktima.
“Wala hong record ‘yan, basta tahimik lang naman ‘yan,” sabi ni Mylan Chin, barangay tanod sa Barangay 398.
Nasa kustodiya na ng MPD ang suspek na pulis, na mahaharap sa two counts ng grave threat.
Sinusubukan pa ng GMA News na makunan ng pahayag ang suspek, pati ang pamunuan ng SPD. – Jamil Santos/FRJ GMA News
