Sa programang "Pinoy MD," inihayag ng isang gastroenterologist na nagsisimula ang colon cancer sa maliit na polyps na nasa loob ng large intestine o colon. Ano nga ba ang mga sintomas ng colon cancer at papaano ito maiiwasan?

Ayon kay Dr. Nico Ong, gastroenterologist, mayroong polyps na nagiging uncontrolled ang paglaki at may posibilidad na isa rito ay magkaroon ng cell na mauuwi sa colon cancer.

Malaki umano ang impluwensiya ng kinakain ng tao sa posibilidad na magkaroon ng colon cancer.

"Usually mga food na preserved o yung mga burned na food, o mataas sa nitrate. Sila daw ay nakaka-promote nitong uncontrolled growth ng mga colon cells," ayon sa duktor.

Samantala, ang mga healthy diet naman gaya ng mga prutas at gulay ay nakababawas ng uncontrolled growth ng cells.

Kaya paalala ni Dr. Ong, mahalaga na piliin ang kinakain.

Gayunman, sinabi rin ng duktor na namamana ang naturang sakit. Kaya kung may kapamilya o malapit na kamag-anak ang nagkaroon ng colon cancer, makabubuti na magpasuri sa espesyalista o colonoscopy.

"If the relative is old or 60 [years old], if this is a first degree relative you need to undergo colonoscopy at age 50. For example 45 may colon cancer na siya, all of his relatives shoud start colon cancer screening at the age of 35. Kasi for a polyp to progress to cancer it will take around five to 10 years," paliwanag ni Dr. Ong.

"What we have to do to prevent colon cancer is to remove this polyp habang maaga pa, habang wala pang nararamdaman," patuloy niya.

Ilan umano sa mga posibleng sintomas ng pagkakaroon ng colon cancer ay pagkakaroon ng dugo sa dumi, hindi kontrolado ang pagdumi, at biglaang pagbaba ng timbang.

Tunghayan ang buong talakayan tungkol sa colon cancer at ano ang mga pagkain na sinasabing makatutulong para malinis ang colon. Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News